Muling binaha ang maraming lugar at kalsada sa Metro Manila dahil sa pagbuhos ng ulan kahapon.
Kabilang sa mga binaha ang Barangay Pio del Pilar sa Makati City na hindi na madaanan ng maliliit na sasakyan. Hanggang tuhod naman ang baha sa Pedro Gil at Taft Avenue sa Maynila dahil sa walang tigil na ulan.
Sa Quezon City, hanggang beywang ang baha sa Del Monte Avenue sa West River Side na hindi na passable sa mga sasakyan, gayondin sa N.S. Amoranto kanto ng Araneta Avenue at Maria Clara.
Lagpas-tuhod naman sa Sto. Domingo-Calamba at Valenzuela. Hindi makadaan ang light vehicles sa McArthur Highway sa tapat ng Fatima College gayondin sa bahagi ng Marulas at Karuhatan.
Matinding trapik ang naranasan sa South Luzon Expressway (SLEx) southbound lane.
Umangat ang level ng tubig sa Marikina River na umabot sa 14.7 metro alas 6:00 ng gabi.
Isinailalim ng PAGASA ang Metro Manila at mga karatig-lalawigan sa yellow rainfall advisory mula alas-11:55 Linggo ng tanghali hanggang alas-9:00 ng gabi.
Katumbas nito ang katamtaman hanggang minsa’y malakas na pag-ulan na mararanasan sa Metro Manila, Rizal, Ca-vite, Laguna, Batangas, Bulacan, Bataan at mga bahagi ng Quezon, Pampanga, Zambales at Occidental Mindoro.
Posible anilang magdulot ng pagbaha ang pag-ulan sa mga mababang lugar.
Wala pang abiso sa suspensyon ng klase kahapon.