ISANG babaeng fetus ang natagpuan sa bunton ng basura na tinatayang nasa tatlo hanggang apat na buwan kahapon ng umaga sa Pasay City.
Dakong 8:00 ng umaga nang makatanggap ng tawag mula kay Barangay Tanod Mercedita Santos, si SPO1 Romeo Pagulayan ng Police Community Precinct (PCP) 2, ng Pasay City Police at ipinabatid ang natagpuang fetus sa harapan ng isang bahay sa Tramo St.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Ariel Inciong ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), isang scavenger na naghahanap ng mapapakinabangan sa bunton ng basura ang nakadiskubre sa fetus na ibinalot sa isang tela na mukhang basahan.
At nang kanyang busisiin ang naturang tela ay laking gulat na isang sanggol ang kanyang nakita na agad naman ipinagbigay-alam sa mga barangay tanod.
Agad inilagak ng pulisya sa Rizal Funeral Homes ang fetus habang nagbigay ng abiso ang pulisya sa sinomang nakakita sa nagtapon ng fetus na ipabatid agad sa pinakamalapit na police station. (JAJA GARCIA)