NANINDIGAN si Senate President Juan Miguel Zubiri na hindi niya babawiin at hihingi ng paumanhin sa kanyang naging pahayag na blacklisted ang Filipinas sa China bilang tourist destination batay sa pakikipag-usap niya kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian.
Iginiit ni Zubiri, hindi siya marites at magkakalat ng fake news o maling impormasyon sa taong bayan.
Binigyang-linaw ni Zubiri marami siyang testigo na talagang binanggit ni Xilian ang naturang salita.
Nauunawaan naman ni Zubiri si Xilian sa kanyang ipinalabas na pahayag lalo na’t baka hindi naman talaga ito ang opinyon o ng mismong bansang China ukol sa pag-blacklist.
Tinukoy ni Zubiri sa kanyang pakikipag-usap kay Xilian, kasama niya sina Senador Win Gatchalian at Robinhood “Robin” Padilla, ang Director ng Protocol ng Senado na si Antonio “Toboy” De Guzman, kanyang Chief of Staff at ilang mga empleyado.
Sinabi ni Zubiri, kung mayroong pagtatama o pagkakalaro ukol sa naging pahayag walang iba kundi ito ay sa bahagi ni Xilian.
Inamin ni Zubiri, bago niya isiniwalat at ibinunyag sa pagdinig ng senado at sa publiko ang usapin ng ‘blacklist’ ay kanya itong ipinagpaalam Xilian, bagay na kanyang sinang-ayunan.
Umaasa si Zubiri, hindi magkakaroon ng lamat ang relasyon ng Filipinas at China ukol sa kanyang isiniwalat.
Kaugnay nito, sinabi ni Gatchalian, posibleng nagkaroon ng misinterpretation.
Ngunit nanindigan si Gatchalian na maliwanag sa batas ng China na pinagbabawalan ang mga mamamayan na magsugal lalo sa online. (NIÑO ACLAN)