LUMABAS na ng bansa si Atty. Lucila “Gigi” Gonzales Reyes, dating chief of staff ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, sa gitna ng scam na kinasasangkutan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, si Reyes ay umalis ng Manila nitong Agosto 31 dakong 7:30 p.m. lulan ng Cebu Pacific flight 5J 362 patungong Macau.
Ayon sa Immigration records, si Reyes ay umalis nang mag-isa dala ang dalawang check-in luggage. At wala siyang “onward” o return ticket nang siya ay umalis.
Si Reyes ay dating chief of staff ni Enrile, isa sa mga senador na isinasangkot sa pork barrel scam na kinasasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Umalis si Reyes sa bansa dalawang araw makaraang ipalabas ng Philippine Daily Inquirer ang ulat na inihayag ng testigo na personal niyang inihatid ang PDAF money kay Reyes.
Ayon sa Bureau of Immigration, walang standing hold departure order o watch list laban kay Reyes kaya hinayaan siyang makalabas ng bansa.
Inihayag ni pork barrel scam whistleblower Benhur Luy sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon na ang chiefs of staff ng mga senador at kongresista ang kumukuha ng pera mula kay Napoles bilang bahagi ng kanilang cut sa PDAF.
HATAW News Team