HINILING ng SMC Global Power Holdings Corp. (SMGCP) at Meralco sa Energy Regulatory Commission (ERC) na pansamantalang payagan itong itaas ang presyo ng kuryenteng galing sa Sual Coal at Illijan Natural Gas Power plants.
Kamakailan ay ginanap ang unang ERC hearing kung saan isinaad ng dalawang kompanya ang dahilan para sa naturang petisyon.
Ang power supply agreement (PSA) sa pagitan ng Meralco at SMGP ay isa sa pinakamalaking kontratang pang-enerhiya sa bansa, kung saan ang presyo ay “fixed rate.”
Sa ilalim ng mga PSA na ito, hindi ipinapasa sa konsyumer ang karagdagang gastos sa paggawa ng enerhiya, kaya ang halaga ng kuryente sa Metro Manila ay hindi gaanong tumaas kumpara sa ibang bahagi ng bansa.
“Alam po namin na ang anumang pagtaas ng presyo ng kuryente ay hindi katanggap-tanggap. Kaya noong nakaraang taon ay hindi na kami humingi ng rate increase at hindi ipinasa sa mga konsyumer ang dagdag na gastos,” pahayag ni SMGCP Chairman Ramon Ang.
Ngunit ayon kay Ang, malaki ang naging epekto sa pandaigdigang presyo ng coal ang labanan ng Russia at Ukraine, maging ang pagpapatuloy ng pandemya.
“Hindi inaasahan ang kakaibang pagbulusok na ito ng world prices, kabilang ang coal, dahil noong 2019 ang halaga lamang nito ay nasa US$65 per metric ton. Ang forecast na ito rin ang magiging average sa loob ng sampung taon. Ngayon, ito ay umabot na sa US$400/MT,” wika ni Ang.
“Ikinalulungkot naming sabihin na lubhang nakakaapekto ito sa operasyon ng dalawang planta. At hindi na kayang matustusan ang operasyon ng mga ito na palugi, dahil mako-kompromiso naman ang ibang proyekto para sa pangkalahatang energy security ng bansa, maging ang aming mga obligasyong pinansiyal,” dagdag ni Ang.
Hiling lang umano ng kompanya ay kaunting adjustment sa presyo para sa dalawang planta, sakop ang unang anim na buwan ng 2022, upang matuloy ang mga itong makapag-supply ng kuryente ng Meralco.
Sa paraang ito, maiiwasan din ang epekto ng pag-terminate ng PSA na magre-resulta sa mas mahal na presyo ng kuryente-sa mga industriya at iba pang gumagamit ng kuryente, lalung-lalo na ang low-income households.
Kung pahihintulutan ng ERC, ang hinihinging pagluluwag ng SMGCP at Meralco ay magkakahalaga lamang ng 30 sentimo bawat kilowatt hour.
Ngunit kung ito ay hindi papayagan ng ERC ay mapipilitan ang dalawang kumpanya na ipawalang-bisa ang PSA.
Ang magiging resulta nito ay ang pagtaas ng hanggang P1.30/kWh sa presyo ng kuryente na ipapapataw ng Meralco na tatlo hanggang apat na buwan.
Kasama sa mga service areas ng Meralco ang Metro Manila, mga lalawigan ng Rizal, Cavite, Bulacan, mga bahagi ng Pampanga, Batangas, Laguna at Quezon.
Nauna nang nakapagbigay ng notice of termination sa Meralco ang South Premiere Power Power Corp., at San Miguel Energy Corp. na nagpapatakbo ng Illija. (MICKA BAUTISTA)