ANIM ang kompirmadong patay, kabilang ang isang pulis, isang tauhan ng Philippine Navy at apat na sibilyan habang 24 naman ang sugatan sa nagpapatuloy na standoff ng militar at mga miyembro ng Moro National Liberation Front – Nur Misuari faction sa Zamboanga City.
Sinasabing mula sa 20 bilang ng bihag ay umaabot na sa 220 ang hostages ng MNLF.
Una rito, tinangkang sakupin ng 400 armadong miyembro ng MNLF ang city hall ng Zamboanga City dahilan para magkaroon ng pakikipagsagupa sa mga tropa ng gobyerno.
Ayon kay Mayor Isabelle Climaco-Salazar, posibleng plano ng MNLF na pasukin ang kanilang city hall para magdeklara ng kasarinlan.
“We believe the main target of the MNLF in encroaching Zamboanga City is to declare independence in City Hall. We are securing City Hall,” ayon sa opisyal.
Nangyari aniya ang hostage-taking sa Brgy. Sta. Catalina.
Sinabi pa ng alkalde na hindi sila naabisohan kaugnay sa pagpasok ng mga armadong MNLF members na sinasabing magsisilbing escort ni MNLF chairman Nur Misuari sa area.
Ipinag-utos na rin ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang paglikas ng mga residente sa Mariki, Sta. Barbara at Rio Hondo at ang kanselasyon ng klase sa buong lungsod.
Ipinag-utos din niya ang paghuli sa lahat ng armadong rebelde.
“Lahat ng walang license to carry guns should be apprehended by the police and military.”
PH NAGPASAKLOLO SA INDONESIA
NAGPASAKLOLO ang gobyerno ng Filipinas sa Indonesia para mapakalma ang Moro National Liberation Front (MNLF) – Misuari faction hinggil sa pag-atake sa Zamboanga City.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ipinarating na nila sa Indonesian Embassy ang pangyayari sa Zamboanga City para pumagitna sa tensyon.
Magugunitang Indonesia ang third party facilitator sa peace process ng gobyerno at MNLF na pumirma sa final peace agreement noong 1996.
Kasabay nito, mariing pinabulaanan ng Malacañang na ibinasura o pinawalang-bisa na ng gobyerno ang peace agreement sa MNLF.
Katunayan aniya, may ongoing tripartite review process sa pagpapatupad ng 1996 agreement at ito ay pinanga-ngasiwaan ng Organization of Islamic Conference (OIC).
SEDITION VS MISUARI
Posibleng maharap sa kasong sedition si Moro National Liberation Front (MNLF) founding chairman Nur Misuari.
Ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) police director C/Supt. Noel Delos Reyes, kanila nang pinag-aaralan ang paghahain ng kaso laban kay Misuari, bunsod ng pagsalakay ng mga tauhan sa Zamboanga City.
Sinabi ng opisyal na noong unang naghayag ng “independence” si Misuari laban sa Republika ay pinag-aralan na ng mga awtoridad ang posibleng sedition case laban sa MILF founding chairman ngunit hindi lamang napagtibay dahil sa kawalan ng “armed uprising.”
Ngunit ngayon naghasik na ng kaguluhan ang MNLF sa Zamboanga City, maaari nang magamit na ebidensya laban kay Misuari.
Binigyang-diin ni Delos Reyes na hindi kasama sa ARMM ang Zamboanga City kung kaya’t malinaw na pananabotahe ang ginawa ng MNLF.
DILG, DND, AFP OFF’LS ISINUGO NI PNOY SA ZAMBO
IPINADALA ni Pangulong Benigno Aquino III kahapon ng tanghali sina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, Defense Secretary Voltaire Gazmin at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Emmanuel Bautista sa Zamboanga City upang tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan sa nasabing lugar.
Nauna rito, ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, pinulong ng Pangulo ang Security Cluster ng gabinete.
Makaraang impormahan ng AFP at Philippine National Police (PNP) kaugnay sa sitwasyon sa Zamboanga City, agad nagbigay ng kanyang direktiba ang commander-in-chief sa mga opisyal at pinapunta sa nasabing lugar.
(ROSE NOVENARIO)
ZAMBO FLIGHTS, SHIPPING KANSELADO
MANANATILING suspendido ang lahat ng byahe ng mga eroplanong patungo at paalis ng Zamboanga City hangga’t hindi bumabalik sa normal ang sitwasyon doon dahil sa kaguluhan bunsod ng pagpasok ng malaking bilang ng mga armadong MNLF members.
Ayon sa abiso ng CAAP, precautionary measure ang kanilang ginawa upang maiwasan ang mas malaking problema kung lalala ang sitwasyon sa naturang lugar.
Pinayuhan naman ng Department of Transportation and Communication (DoTC) ang may nakatakdang biyahe na makipag-ugnayan sa kinauukulang airline companies.
Samantala, sinuspinde rin ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon ang operasyon ng mga barko patungong Zamboanga City at Zamboanga Sibugay vice versa dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa lungsod.
Ayon kay PCG spokesman Commander Armand Balilo, lahat ng shipping operations sa lungsod ay hindi na pinapayagan. Inihayag ni Balilo, naka-full alert na ang pantalan sa Zamboanga at maging sa Zamboanga Sibugay dahil sa mainitang bakbakan ng daan-daang armadong katao na nakaposisyon sa nasabing lungsod.
ni BETH JULIAN