NASUKOL ng pulisya sa Bulacan ang isang madulas na carnapper mula sa lalawigan ng Romblon kabilang ang 17 iba pang may mga kasong kriminal sa isinagawang operasyon sa lalawigan hanggang nitong Martes ng umaga, 2 Agosto.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, dahil madulas ang target na akusado ay naging agresibo sa inilatag na manhunt operation ang tracker teams na pinangunahan ng Bulacan 1st PMFC katuwang ang PHPT-Romblon, Romblon PMFC, Odiongan MPS, Looc MPS, PHPT-Bulacan, Baliuag MPS, at 301st MC RMFB3.
Naging matagumpay ang operasyon sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si Crispin Adoño, 21 anyos, sa pagtatago ay pumasok na cook, at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Tangos, Baliuag, Bulacan.
Nakatala si Adoño bilang Top 7 MWP sa Municipal Level ng Odiongan MPS, Romblon sa paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016).
Napag-alaman, matapos uminit ang kanyang galaw sa Romblon ay nagpakatago-tago ang akusado at naging madulas ngunit hindi siya tinantanan ng mga awtoridad na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto sa Baliuag, Bulacan.
Gayondin, naaresto ng mga operatiba ng Meycauayan CPS ang suspek na kinilalang si Israel Cacho, 28 anyos, residente sa Brgy. Perez, Meycauayan, at nasa listahan bilang Top 2 Most Wanted Person sa city level ng Meycauayan sa kasong Robbery.
Dinakip ng mga warrant officers ng San Jose Del Monte CPS, Norzagaray MPS, San Rafael MPS at 2nd PMFC ang anim na suspek na kinilalang sina Aldrin Sotto sa kasong Theft; Lemmuel Vistro sa Simple Theft; Darwin Zafra sa Slight Physical Injuries; Michael Palomo sa Rape; Danilo Guinto sa Theft, at Rolando Gojar sa paglabag sa RA 7610.
Samantala, dakong 3:16 am kahapon, nagkasa ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng drug bust operation sa Brgy. Poblacion, Guiguinto na ikinaaresto ni Enmark Mirano, 35 anyos, sack printer at residente sa Brgy. Lambakin, Marilao.
Narekober sa suspek ang 13 pakete ng hinihinalang shabu, may timbang na 60 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P408,000; at marked money.
Sa serye pa rin ng anti-illegal drugs operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Jose del Monte CPS, Norzagaray MPS, Malolos CPS, Pulilan MPS, at San Ildefonso MPS, naaresto ang siyam pang personalidad sa droga at nasamsam ang 23 pakete ng hinihinalang shabu at bust money. (MICKA BAUTISTA)