UMANGAL na at nakatakdang mag-alboroto ang mga stakeholders na apektado ng espesyal na trato sa isang smuggler na kung tawagin ay JR Tolentino sa Bureau of Customs sa Maynila.
Kaugnay nito, kumikilos na umano ang ilang apektadong stakeholder para paimbestigahan sa Malacañang ang operasyon ni JR Toelntino sa Port of Manila (PoM) at Manila International Container Port (MICP)
Ang pagpapaimbestiga ng iba pang stakeholder ay dahil na rin umano sa pagyayabang ni JR Tolentino na protektado siya ni Executive Secretary Paquito “Jojo” Ochoa, Jr.
Regular umano siyang naghahatag ng ‘patong’ sa isang mataas na opisyal ng Customs na malakas magsabong na kung tawagin ay boss TS.
Ipinagmamalaki pa umano ni JR Tolentino na bukod sa matataas na opisyal ng PoM at MICP, naghahatag rin siya ng ‘tara’ sa media kung kaya’t hindi magagawang mapatigil ang kanyang mga palusot na kontrabando sa Customs.
Ayon sa mga apektadong stakeholder, kada linggo, si alyas JR Smugger ay nagpapalusot ng mula 100 hanggang 200×40 container van sa PoM at MICP.
Ang mga kargamento ni JR Tolentino ay pawang misdeclared at hindi umano ibinabayad ng karampatang buwis.
Mas mababa umano ito sa benchmarking at dahil diyan ay malaki ang nalulugi sa pamahalaan.
Ang misdeclaration ay ang ‘di pagdedeklara sa tunay na laman ng kargamento at ito ay paraan na hindi lamang ginagamit upang makaiwas sa mga taripa at tamang buwis na dapat pagbayaran sa gobyerno kundi pati sa pagpapalusot at importasyon ng mga kontrabando tulad ng mamahaling alak, droga (SHABU) at mga produktong ipinagbabawal (IPR violation), na ayon mismo kay PNoy ay talamak na nangyayari sa BoC.
Ginagamit ni Tolentino sa kanyang smuggling bilang consignees ang mga kompanyang Sprintline; Silent Royalty; Concrete Solutions; Hello Multisales; Shockwave; Ropera Marketing; Y2 Industrial; JP Energy Solution; RGEL Trading; Wan Hong Construction; Thule Car Accessories; JYC Sparkling; at ang Gitti and Packages Design.
Isang Kenneth Quial at Richard Geonzon ang mga umaaktong ‘BROKER’ kuno na lumalakad sa mga palusot na kontrabando ni JR Tolentino.