UMANI ng papuri mula kay Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) matapos magbaba ng kautusan sa Manila Electric Company (MERALCO) na i-refund sa mga customer ang P21.8 bilyong katumbas ng 87 sentimos kada kilowat hour (kWh).
Ibig sabihin, para sa karaniwang household na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan, magkakaroon ng P174 refund sa singil sa koryente simula ngayong buwan.
“Isang kaluwagan ito lalo sa mga pamilyang kapos sa pang-araw-araw na gastusin. Malaking ambag ito para maibsan ang nararanasan na kagipitan sa gitna ng napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin,” sabi ni Gatchalian.
Sa nasabing kautusan ng ERC, naatasan ang Meralco na isagawa ang refund sa loob ng 12 buwan o hanggang sa panahon na ganap nang naibalik sa mga customer ang kabuuang halaga. Dapat rin maipakita sa hiwalay na line item ng electricity bill ang refund rate habang ipinatutupad ang refund.
Ito ang ikatlong pagkakataon na nagpatupad ng refund mula Enero ng kasalukuyang taon. Ayon sa ERC, ang mga nauna nang refund ng Meralco ay ipatutupad hanggang 2023 kung kaya aabot sa P1.8009 kada kWh ang umiiral na kabuuang refund para sa mga residential consumer, kasama rito ang pinakabagong refund na P21.8 bilyon.
Pinuri ni Gatchalian ang ERC sa pagiging tapat nito sa mandato na tiyaking makatuwiran ang singil sa koryente sa pamamagitan ng pagsasagawa ng maingat at patas na mga desisyon para maprotektahan ang kapakanan ng mga konsyumer habang binabalanse ang interes ng lahat ng stakeholder.
“Ang kagyat na utos ng ERC ay malaking bagay lalo sa mga naghihikahos sa buhay sa gitna ng napakataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa. Ang pag-uutos ay nagpapakita lamang ng kapangyarihan ng ahensiya at nagbibigay konsiderasyon sa mga konsumer sa panahon ng kagipitan,” ani Gatchalian.
Mabuti aniya nagkataong inilabas ng ERC ang kautusang reimbursement sa mga residential customers ilang araw matapos na maglabas ng desisyon ang Korte Suprema na kinakatigan ang pag-aproba sa aplikasyong dagdag singil ng pinakamalaking power distribution utility sa bansa.
Ang nasabing desisyon ng kataas-taasang hukuman ay nagbibigay pahintulot sa Meralco na magpataw ng taas-singil sa koryente para mabawi ang P22.64 bilyon. (NIÑO ACLAN)