MAKAHIHINGA na nang maluwag ang publiko na makikipag-transaksyon sa Bureau of Customs (BoC) matapos ipag-utos ni Commissioner Ruffy Biazon ang agarang pagtigil sa kalakaran ng pakikialam ng iba’t ibang sangay ng ahensiya sa regular na pagpoproseso ng mga dokumento sa kawanihan.
Sa memorandum na ipinalabas ni Biazon kamakailan, kanyang inatasan ang lahat ng mga opisyal at empleyado na iwasan ang pakikialam sa proseso ng mga kargamento.
Sa isang panayam, kinompirma ni Biazon na ang pangunahing puntirya ng kanyang direktiba ay ang tinatawag na ‘reseta’ o maliliit na papel na ipinadadala sa iba’t ibang assessment section ng Formal (FED) at Informal (IED) Divisions ng mga sangay ng ahensiya sa kung ano-anong kadahilanan.
“ ‘Yun talaga ang target ko, ‘yung ‘reseta,’ but of course, hindi naka-specify sa memo ko; but that’s the target—stop the practice,” sabi ni Biazon.
Isiniwalat ni Biazon ang nasabing ‘reseta’ sa isinagawang pagpupulong kasama ang mga personnel ng Intelligence Group (IG) noong nakaraang linggo at binalaan ang mga lalabag na siguradong mapaparusahan alinsunod sa batas.
Matagal nang kinokondena ng mga importer at customs broker ang naturang praktis na isang malaking abala at dagdag na gastos sa pagproseso ng kanilang mga dokumento.
Anila, ang ganitong kalakaran ang isa sa mga dahilan kung kaya napipilitan sila makipag-areglo sa mga opisyal at empleyado para lamang huwag nang maipit pa at mailabas na ang kanilang kalakal nang hindi naaantala.
“Kapag naisyuhan ng ‘reseta’ ang kargamento mo, ‘yari’ ka na, kailangan ka nang maghanda ng ‘pang-areglo,’ sabi ng ilang sources na pamilyar sa ganitong sitwasyon.
Binanggit din ni Biazon ang “hotline” na maaaring tawagan kung sakaling mayroong customs unit or empleyado na lalabag sa kanyang kautusan.
Para sa mga reklamo, maaaring tawagan ang (02) 527-1935 para sa kaukulang aksyon ng Customs chief.