Nasakote ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang operasyon sa lungsod ng Malolos, lalawigan ng Bulacan, nitong Biyernes, 27 Mayo.
Sa ulat mula kay P/Col. Charlie Cabradilla, acting provincial director ng Bulacan PPO, nagsagawa ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malolos CPS ng anti-drug bust sa Brgy. Sto. Cristo, sa nabanggit na lungsod dakong 12:35 ng madaling araw noong Biyernes na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang suspek.
Kinilala ang mga suspek na sina Gerardo Padawan alyas Jerry at Minerva Tamayo alyas Minie, kapwa mga residente ng Brgy. Sto. Rosario, sa lungsod, na naaktuhang magkasabwat sa pagbebenta ng ipinagbabawal na droga.
Nakumpiska mula sa dalawa ang 11 pakete at isang isang bloke ng tuyong dahon ng marijuana na may timbang na humigit-kumulang sa 1,200 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P144,000.
Kaalinsabay nito, nadakip rin ang lima pang personalidad sa droga sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations ng SDEU ng mga police stations ng Balagtas, Marilao, at Pandi.
Kinilala ang mga suspek na sina Fidel Cayco alyas Pate; Monte Carlo Remolano alyas Chet; Ric Orjaleza; Michael Avien Dela Cruz; at Mark Aaron Interior.
Nakumpiska mula sa kanila na gagamiting ebidensiyang kabuuang 15 pakete ng hinihinalang shabu, dalawang pakete ng tuyong dahon ng marijuana, coin purse, at buybust money. (Micka Bautista)