MANILA—Malakas na sinimulan ng Cavite Spartans at Caloocan Loadmanna Knights ang kanilang kampanya matapos magtala magkahiwalay na panalo sa opening round ng 2022 Professional Chess Association of the Philippines (PCAP) nung Sabado virtually na ginanap sa chess.com platform.
Ang Cavite Spartans na iniangat nina NM Darian Nguyen at CM Jayson San Jose Visca ay nakaungos sa Laguna Heroes, 13-8, habang ang Caloocan Loadmanna Knights ay nirendahan nina IM Paulo Bersamina at IM Jan Emmanuel Garcia na namayani sa Quezon City Simba’s Tribe, 14-7, para manguna sa 24-team, two-division tournament.
Tinalo ni Nguyen si Fide Master Austin Jacob Literatus, 3-0, habang panalo si Visca kina Richie Jocson at Christian Nanola sa blitz at rapid matches ayon sa pagkakasunod para pangunahan ang Spartans sa tagumpay.
Kasama nina Nguyen at Visca na naglabas ng husay si AFM Eduardo Tunguia na binokya si Fide Master Jose Efren Bagamasbad sa senior board, si AGM Voltaire Marc Paraguya ay tumabla kay AGM Kimuel Aaron Lorenzo at draw rin kay Jocson; si Renie Malupa ay tabla kay Vince Angelo Medina,1.5-1.5, at si Lloyd Rubio angat kay Nanola.
Si WNM Jean Karen Enriquez ang lumaban ng husto sa Laguna na giniba si Diana Ramos sa lady board. Si Lorenzo ay panalo naman kay Rubio sa kanilang rapid encounter.
Maganda rin ang ipinakita ng Caloocan kung saan tiniris ni Bersamina si Noel Jay Estacio, 3-0; pinagpag ni Garcia si Fide Master Carlos Edgardo Garma, 3-0; angat si IM Chito Garma kay Danilo Ponay, 2.5-0.5; winasiwas ni Paul Sanchez si Freddie Talaboc, 2-1; at lusot si Alexis Emil Maribao kay NM Robert Arellano, 2.5-0.5.
Bida naman si 1996 Philippine Junior Champion Fide Master Robert Suelo Jr. sa Quezon City matapos bokyain si IM Barlo Nadera, 3-0, habang pinagpag ni Michaela Concio si WNM Arvie Lozano, 2-1.
-Marlon Bernardino-