NAGLUNSAD ng manhunt operation ang mga awtoridad upang muling mahuli ang isang PDL (person deprived of liberty) na tumakas mula sa custodial facility ng Talisay CPS sa lalawigan ng Negros Occidental, nitong Miyerkoles, 11 Mayo.
Kinilala ni P/Lt. Col. Arthur Baybayan, hepe ng Talisay CPS, ang tumakas na suspek na si Arnel Ocaña, 38 anyos, residente sa Brgy. Cabatangan, sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Baybayan, ginawa ni Ocaña ang planong pagtakas sa pamamagitan ng pagrereklamong masakit ang kaniyang tiyan at nahihirapang huminga.
Agad tinulungan ng desk officer, noon ay siyang bantay sa mga nakapiit sa kanilang pasilidad, ang suspek at pinahiga sa bakal na upuang nasa lobby ng estasyon.
Ngunit nang tumalikod ang pulis upang tawagan ang Talisay City Health Office, sinamantala ito ni Ocaña saka kumaripas ng tumakbo at tumalon sa pader sa likod ng himpilan.
Inaresto si Ocaña sa nabanggit na lungsod noong 23 Abril 2022 sa kasong rape sa Mandaue, Cebu kung saan nakatala bilang top wanted person.
Dagdag ni Baybayan, maaaring umuwi ng probinsiya si Ocaña matapos gawin ang krimen.
Nakatakda siyang ibiyahe pabalik sa Cebu nang makatakas mula sa pasilidad.