TULUYANG nakalusot sa committee level ng Senado ang panukalang batas na naglalayong ipagpa-liban muna ang Sangguniang Kabataan (SK) elections na kasabay sana ng barangay elections sa darating na Oktubre 28.
Ayon kay Senate committee on local government chairman Sen. Bongbong Marcos, irerekomenda niya sa plenaryo ang pagpapaliban ng SK elections sa loob ng isang taon o gaganapin sa Oktubre 28, 2014.
Batay sa ginawang public hearing ng komite ni Marcos na dinaluhan ng mga opisyal mula sa local government units (LGUs), lumalabas na maraming pumapabor na ipagpaliban muna ang naturang halalan.
Layunin ng pagpapaliban ng SK elections ay hindi para tuluyang buwagin ang konseho kundi upang maisulong ang reporma sa Sangguniang Kabataan.
Ayon kay Marcos, irerekomenda niya na bago ang Oktubre 2014, dapat may mapagtibay nang reporma sa SK upang maidaos ang halalan sa naturang petsa. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)