NAKAKUHA si Vice President Leni Robredo ng malaking kalamangan sa mahigpit na katunggali para sa pagkapangulo na si Ferdinand Marcos, Jr., sa survey na ginawa ng alumni at dating faculty members ng University of the Philippines, Ateneo, at La Salle.
Batay sa pambansang survey na sinalihan ng 4,800 registered voters at ginawa mula 18 hanggang 22 Abril 2022, nakakuha si Robredo ng rating na 57.39 porsiyento, o katumbas ng 39,441,581 mula sa 68.7 milyong registered voters ng bansa.
Sa kanyang parte, nagtamo si Marcos ng 38.27 porsiyento o katumbas ng 26,301,260 boto.
Ilang araw bago ang halalan sa 9 Mayo, tinawag na “undefeatable” ang lamang ni Robredo na 19.12 porsiyento o katumbas ng agwat na 13.1 milyong boto.
Sa mga rehiyon, nakuha ni Robredo ang National Capital Region, Cordillera Administrative Region, Region IV-A, Region IV-B and Regions 5, 6, 7, 9, 10, 11 at ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ginamit ng survey ang multi-stage sampling, random ang pagpili sa mga respondent upang matiyak na lahat ng registered voter ay mabibigyan ng tsansang lumahok sa survey.
Sa tulong ng multi-stage random probability sampling, nasigurong lahat ng antas ng lipunan ay kasama sa survey, mula Class A hanggang E. Patas din ang bilang ng sample mula sa babae at lalaki.
Kamakailan, nanguna si Robredo sa survey na ginawa ng Radyo Veritas sa mga Katolikong botante.
Nakakuha siya ng 48 porsiyento sa “Veritas Truth Survey” na ginawa mula 1 hanggang 30 Abril na may 2,400 respondents sa buong bansa at margin of error na plus-minus 3 percent.
Dagdag rito, angat din si Robredo kay Marcos pagdating sa Google Trends na may 55 porsiyento kompara sa 24 porsiyento ni Marcos.
Matagumpay na natukoy ng Google Trends ang nanalo sa halalan sa France kamakailan, pati ang mga nagwagi sa eleksiyon sa Estados Unidos mula 2004 hanggang 2020 at sa 2019 presidential polls sa Brazil, Spain, at Canada.