IPINAHAYAG ni Dave Almarinez na tuloy na tuloy ang kanyang laban bilang kinatawan ng unang distrito sa Laguna matapos magsilabasan ang ‘black propaganda’ laban sa kanya.
“Wala nang makapipigil sa pagbabagong dala ng inyong lingkod. Huwag tayong maniwala sa mga isyu na walang basehan na pilit nilang ipinupukol sa atin. Tuloy ang aking laban para sa bawat isang mamamayan ng San Pedro,” ani Almarinez.
Hinimok ni Almarinez ang kanyang mga tagasuporta na ituloy ang positibong pangangampanya hanggang makamit ang panalo sa halalan nitong darating na 9 Mayo 2022.
“Ang resulta ng botohan ang huhubog sa kinabukasan ng mga mamamayan ng San Pedro. Piliin natin ang tama. Piliin natin ang totoo. Piliin natin ang tunay na may malasakit sa taongbayan. Piliin natin si Dave Almarinez,” dagdag na sabi niya.
Ayon kay Almarinez, malawak at komprehensibo ang saklaw ng kanyang ipinaglalaban para sa kapakanan ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, nakatatanda, negosyante, may kapansanan, single parents, at ordinaryong mamamayan.
Hinikayat niya ang mga botante na pumili ng kandidatong may kapasidad na magpatupad ng pagbabago, mag-imbita ng mas maraming mamumuhunan, at hikayatin ang pagkakaisa ng bawat sektor habang sinisimulan ng lungsod ang pagsisikap sa pagbawi pagkatapos ng pandemyang CoVid-19.
“Sa panahong napakaraming mga bagay na nagbabago sa realidad at napakaraming pagsubok na ating hinaharap, nais ko pong tumulong nang taos-puso sa inyo, sa aking mga kababayan sa San Pedro,” ani Almarinez.
Naging instrumento si Almarinez sa pagbibigay ng donasyon ng 20,000 Moderna vaccine para mabilis ang pagbabakuna sa mga residente ng San Pedro. Nag-bigay din siya ng 10 dialysis machine na napapakinabangan ng libo-libong residente ng Laguna.
Aktibo ang mag-asawang Dave at Ara Mina sa pagbibigay tulong sa mga taga-San Pedro sa kasagsagan ng pandemya. Naipagpatayo din nila ang 60 Wi-Fi zone sa iba’t ibang pampublikong lugar sa 27 barangay ng lungsod.
Sa resulta ng iba’t ibang survey, nananatiling nangunguna si Almarinez sa labanan ng pagkakongresista sa San Pedro City. Bago kumandidato sa pangkaongresista, si Almarinez ay nagsilbing No. 1 Bokal ng Laguna sa tatlong magkakasunod na termino.