PUSPUSANG susuyurin ng Isang Mamamayan para kay Leni (IMk Leni) ang silent majority mula sa 11 regional chapters sa bansa upang pukawin at imulat ang mga mamamayang nasa laylayan ng lipunan para suportahan ang kandidatura sa pagka-Pangulo ni Vice President Leni Robredo.
Ito ang nilalaman ng paninindigan at pagkakaisa ng mga chapter convenor, sectoral leaders, at mga area coordinators ng IM Pilipinas o Ikaw Muna Pilipinas na may 11 organisasyon ang bultuhang lumipat sa IMk Leni upang tulong-tulong nilang ikampanya ang kandidatura ni VP Leni Robredo.
Lumagda sa isang pahinang manifesto sina Rowena Jaffar ng Northern Mindanao, Jeoff Marshall Cortez ng Caraga, Eunice Dalisay ng Zamboanga, Orville Tatco ng Northern Luzon, Peter Dela Peña ng Mindoro Occidental, Rudy Palapal ng Nueva Ecija, Alex Solis ng Leyte, Elizabeth Dy ng La Union, John Michael Lequigan ng Mandaue, Lislie Llido ng Nueva Ecija, Nikita Malazarte ng Cebu Province, Nelson Vargas ng Bohol, Fave Arthur Sevillano ng Davao de Oro, Francis Sandoval ng Laguna, Hazel Pabre ng Cebu City, Marita Roque ng Tarlac, Dick Castañeda ng Bataan, at Jayson Cruz Luna – Media Head.
Ayon sa pahayag, “buong sigla naming ipalalaganap sa aming mga kasapian, kamag-anak, kaibigan, at makakasalamuhang kababayan ang prinsipyo at adhikain ng Isang Mamamayan para kay Leni (IMk LENI). Walang humpay kaming mag-oorganisa upang ibayong mabuo ang solidong puwersa na gagapi sa nagbabadyang panunumbalik ng madilim na kasayasayan. Bunsod nito ay puspusan naming palalawakin ang bilang ng mamamayan para mapagtagumpayan ang laban na maiangat ang buhay ng lahat sa pangunguna ni madam VP Leni.”
Ayon kay Rudy Palapal – IM Nueva Ecija Convenor at pinuno ng Farmers Irrigators Association, “Susuyurin namin ang bawat pamayanan at kanayunan sa aming bayan at karatig kanayunan upang magbigay inspirasyon at pakilusin ang ating mga kababayan na suportahan ang ating mithiin na maging Pangulo ng bansa si Madam Leni Robredo.”
Kasabay nito, nagpalabas ng pahayag ng pagsuporta ang Farmers Association of Bukidnon (FABUK) na may 7,635 miyembro nang magdeklarang suportahan ang kandidatura ni VP Leni at kanyang koponan.
Nilagdaan ang pahayag ng pagsuporta nina Eduardo Narag, Jr., Presidente ng FABUK, Teddy Jumawan, Vice-President at Janice Valdez, Secretary.
Ayon sa FABUK, napakakaunting oras na lang ang natitira at dapat tayong bumangon upang magtrabaho at aktibong mangampanya para sa pinakapanalo at hindi mapag-aalinlanganan, pinaka-kalipikadong kandidato, si VP Leni, may malawak na karanasan, kakayahan at mahusay na mga katangian ng isang pinuno para pamunuan at labanan ang krisis pang-ekonomiya para sa maunlad na bukas.