Friday , November 22 2024

P2-B mawawala sa rice anomaly

090213_FRONT
TINATAYANG aabot sa P2 bilyon ang mawawala sa pamahalaan dahil sa maanomalyang pag-angkat ng bigas ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ngayon taon.

Ito ang isiniwalat ng abogadong si Tonike Padilla ng Ang Gawad Pinoy Consumers Cooperative na isa sa pinakamalaking grupo ng mamimili sa bansa na nagsabing isang malaking raket ang Rice Self-Sufficiency Program ng DA.

“Maliwanag na binigyan ng maling impormasyon ang Pangulo (Benigno Aquino III). Hindi 187,000 metriko tonelada (MT), gaya ng sinabi niya sa SoNA (State of the Nation Address) nitong Hulyo ang inangkat natin mula sa ibang bansa. Ang totoo ay P205,700 MT na ang naangkat natin Abril pa lamang ngayon taon. Kaiba sa programang ipinatupad ng isang taon, tanging gobyerno lamang ang nag-angkat nito at halos doble ng 120,000 Metriko Toneladang bigas na inangkat ng bansa nang nakaraang taon,” pahayag ni Padilla.

Ayon sa abogado, sistematikong isinasagawa ang pangungulimbat sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga transaksyong government-to-government (G2G) na ‘overpriced’ umano ang inangkat na bigas mula Vietnam.

“Sa importasyon ng NFA nitong Abril lamang, ang presyo ng bigas sa Vietnam nang mga panahon iyon ay USD 360 hanggang USD 365 kada Metriko Tonelada. Ngunit ang inangkat nating bigas noong Abril ay binayaran ng pamahalaan, gamit ang pondo ng bayan, sa presyong USDD 459.75 kada MT. Sa iisang transaksyon noong Abril, USD10,439,275 o P457 milyon ang “kita” nila – higit pa sa PDAF (Priority Development Assistance Fund) ng anim na kongresista,” anang abogado.

Ang taunang PDAF ng kada kongresista ay nagkakahalaga lamang ng P70 milyon.

Ayon kay Padilla, nakatakda pang mag-angkat ng 700,000 MT ang NFA sa Nobyembre na pinangangambahang ‘gagatasan’ na naman ng mga tiwaling opisyal ng kagawaran at ng NFA.

“Kung itutuloy ng NFA ang planong pag-aangkat ng karagdagang 700,000 MT sa Nobyembre bilang tugon sa napipintong kakulangan sa bigas – na itinatanggi naman ng DA – ang halagang P457 milyon ay lolobo sa P2 bilyong piso ng ganon na lamang. Alalahanin natin ang perang pambayad sa mga importasyong ito ay nagmumula sa kabang-yaman ng bayan,” dagdag ni Padilla.

Ayon sa Oryza Global Rice price, para sa nabanggit na panahon, ang biniling bigas nga ng NFA ay ‘overpriced’ ng hindi bababa sa USD 50 o katumbas ng P2,150 kada Metriko Tonelada.

“Ang P457 milyon ay sapat na upang mapatubigan ang 3,778 hektaryang lupain na halos doble ang lawak sa Lungsod ng Makati, na maaari sanang umani ng P705.2 milyong halaga ng bigas sa presyong P23,333.57 kada Metriko Tonelada. Kung itutuloy nila ang kanilang plano sa Nobyembre, tataas ito sa 450 porsyento at aabot sa halagang hindi kukulangin sa P2 bilyon,” pahayag ni Padilla.

Mismong ang National Economic Development Authority (NEDA) na umano ang nagsabing hindi dapat minomonopolya ng DA at NFA ang importasyon ng bigas sa bansa dahil hindi ito nakasaad sa mandato ng kanilang mga ahensya.

“Kahit ang NEDA ay naniniwalang ang papel lamang ng NFA ay ang pagpapataas ng panloob na pagbili ng bigas, pagpapababa ng importasyon para sa buffer stocking at paghikayat sa pribadong sektor na isagawa ang pangunahing papel bilang taga-angkat ng bigas. Sa unang bahagi pa lang ng taong ito, P1.7 bilyong halaga ng buwis na ang ibinayad ng NFA para sa mga inangkat– isang malaking halagang sana’y pribadong sektor ang nagbayad sa pamahalaan kung hindi ipinagpilitan ng dalawang ahensya ang kanilang pamamayagpag sa ilalim ng mala-monopolyang G2G ng DA at NFA,” ayon kay Padilla.

Sa kabila ng mga opisyal na pahayag na sapat ang supply ng bigas sa bansa, kinuwestyon ng maraming grupo gaya ng Gabriela party-list ang hindi maawat na pagtaas ng presyo nito.

“Hindi na lalala pa ang presyo ng bigas dahil pataas na ang stock ng bansa sa pagsisimula nang anihan ng palay sa Visayas at Mindanao,” depensa naman ni NFA Administrator Orlan Calayag.

Tinatayang aabot sa 18.45 milyon MT ang produksyon ng bansa sa taong ito, mababa sa target na 20.4 milyon MT ng National Rice Program.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

Suspek timbog sa Pampanga
LALAKING NAGKAKAPE UTAS SA BOGA NG KAKOSA

PATAY agad ang isang 55-anyos lalaki nang pagbabarilin sa bahagi ng Tanigue St., Brgy. 14, …

Mary Jane Veloso

Mary Jane Veloso uuwi na — Marcos

KINOMPIRMA ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na uuwi na sa Filipinas si Mary Jane Veloso …

PAGASA Amihan

Amihan na — PAGASA

IHANDA na ang inyong mga damit na panlamig gaya ng mga jacket, sweater, shawls, at …

Knife Blood

Sa Tondo, Maynila  
CHINESE NAT’L PATAY NANG PAGSASAKSAKIN SA LOOB NG SASAKYAN

NAKAPAGMANEHO pa para iligtas ang sarili ngunit binawian din ng buhay ang isang 46-anyos Chinese …

UAS UNLEASH

UAS Invests in UNLEASH, a Groundbreaking Pet Lifestyle App to Provide Filipinos’ Pet Companions Peace of Mind Through Technology and IoT

UAS (Universal Access and Systems Solutions), a leading technology solutions provider, today announced its strategic …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *