DERETSO sa kaloboso ang isang lalaki sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan, matapos arestohin ng pulisya dahil sa pagwawala sa isang barangay habang may hawak na baril nitong Sabado, 5 Pebrero.
Sa ulat mula kay P/Col. Rolando Gutierrez, hepe ng Marilao Municipal Police Station (MPS), napag-alamang nagresponde ang mga operatiba matapos makatanggap ng sumbong hinggil sa isang nagwawalang lalaki sa Brgy. Saog, sa naturang bayan.
Nang puntahan ng mga awtoridad, inabutan nila ang suspek na kinilalang si Reuben Macaspac, nagngangalit sa galit at sinasabing may hinahanap na unang nakaalitan.
Naaktohan i Macaspac habang hawak ang pagmamay-aring isang kalibre .38, walang trademark, at kargado ng mga bala kaya takot na takot ang mga residente sa lugar.
Nang pagsalikupan ng mga operatiba, parang maamong tupa na nawala ang tapang ni Macaspac at taas ang kamay na sumuko sa mga alagad ng batas.
Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek sa Marilao MPS Jail habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso kabilang ang paglabag sa Omnibus Election Code (Gun Ban). (MICKA BAUTISTA)