SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
KILALANG maprinsipyong tao ang presidential candidate na si Senador Ping Lacson kaya wala siyang ‘siniraang’ ibang kandidato sa katatapos na interbyu sa kanya ni Boy Abunda. Kaya naman mas marami ang humanga sa kanya.
Ito iyong portion na “Political Fasttalk” na kailangang sagutin agad ni Lacson ang tanong na, “bakit hindi dapat iboto si…” kasunod ang pangalan ng iba pang tumatakbong presidente.
Magandang pagkakataon na sana iyon ni Ping para siraan ang mga kalaban niya at para maiangat ang sarili pero iba ang ginawa nito.
Katwiran nga niya, “Kasi tumatakbo akong presidente, Boy.”
Sa bawat tanong ni Kuya Boy na binabanggit niya isa-isa ang pangalan ng ibang kandidato, iyon din ang sagot ni Lacson na naka-smile.
At nang tanungin naman siya ni Boy kung bakit siya ang dapat na iboto, ang simple pero kompiyansang sagot ni Lacson: “I’m the most qualified, most competent, and the most experienced.”
Sa una, hindi masyadong mapapansin ang tanong ni Boy tungkol sa “bakit hindi dapat iboto si…” Pero nang lumabas at inere na ang isa pang kandidato at tinanong din ni Boy nang katulad na tanong, aba’y siniraan niya isa-isa ang kalaban niya.
Sinabihan pa nga si Lacson na hindi raw ito dapat na iboto dahil ‘maraming salita, pero on the ground, kulang.”
Ang naging sagot naman dito ni Lacson, “Hindi ako kulang ‘on the ground.’ Hindi lang talaga ako ma-epal tuwing magbibigay ng tulong sa mga kalamidad man o sa mga indibidwal na tulong.”
Hindi naman ibig sabihin ni Lacson na epal ang tumulong. Ang ibig sabihin ng senador ay hindi niya gawain na magpakita, magpa-picture, at magpa-video sa mga tao o lugar na tinutulungan niya.
Sabagay, dati nang sinabi ni Ping at running mate niyang si Senate Presidente Tito Sotto na mas nais nilang ipakita sa mga tao ang kanilang plataporma o gagawin sa Pilipinas kapag sila ang nanalo, kaysa hanapan ng butas o siraan ang mga kalaban nila.
Tama nga ang sinabi ng political magnate ng Cebu na si Winston Garcia, na kapatid ni Gov. Gwen Garcia, suportado niya ang tambalang Lacson-Sotto, na tinawag niyang “the most decent candidates.”