KINOMPIRMA ng Philippine Airlines (PAL) na sumadsad ang kanilang eroplanong flight PR2369 pagdating sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA) bago magtanghali mula sa Caticlan, kahapon.
Walang iniulat na nasaktan sa 29 pasahero, apat na crew (2 piloto at 2 cabin crew member) at ligtas silang nakababa gamit ang airstair ng eroplano.
Sinabi ni Cielo Villaluna, spokesperson ng Philippine Airlines, tumutulong ang operation team ng PAL sa mga pasahero at nakahanda silang magbigay ng assistance kung kinakailangan.
Lumihis umano ang gulong ng Eroplano sa runway at dumeretso sa damuhang bahagi ng runway ng nasabing airport.
Nagpasalamat ang PAL sa airport authority at CAAP sa paghahatak ng eroplano para maibalik sa runway ang gulong nito.
Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng PAL sa abalang dulot ng bahagyang pagbara sa runway ng eroplano.