KULUNGAN ang binagsakan ng dalawang tulak ng ipinagbabawal na droga nang makuhaan ng mahigit sa P.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon City police chief, Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na sina Irene Flores, 42 anyos, residente ng Bisig ng Kabataan, Brgy. 2, Caloocan City, at Vincent Macapar, 27 anyos, residente sa Pampano St., Brgy. Longos ng nasabing lungsod.
Batay sa ulat ni P/MSgt. Randy Billedo, dakong 4:30 am nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Lt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Pampano St., Brgy. Longos.
Nagawa ni P/Cpl. Emiel Jay Cantos, nagpanggap na buyer, na makaiskor ng P7,500 halaga ng shabu kay Flores.
Matapos tanggapin ni Flores ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu, agad siyang sinunggaban ng mga operatiba, kasama si Macapar.
Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang nasa 51 gramo ng hinihinalang shabu, may standard drug price P346,800 at buy bust money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (ROMMEL SALES)