IPINAG-UTOS ni PRO3 PNP Regional Director P/BGen. Matthew Baccay ang lubusang imbestigasyon at malalimang pagsisiyasat hinggil sa pamamaril na naging sanhi ng kamatayan ng isang barangay chairperson sa bayan ng Jaen, lalawigan ng Nueva Ecija, nitong Sabado, 6 Nobyembre.
Kinilala ni P/BGen. Baccay ang namatay na biktimang si Zoilo De Belen, 56 anyos, may asawa, residente at kapitan sa Brgy. Lambakin, sa nabanggit na bayan.
Sa inisyal na imbestigasyon, nagdidilig ng halaman si De Belen sa highway sa kanilang barangay, nang biglang huminto ang isang itim na Chevrolet Optra, may plakang TCN 905 na hindi matukoy kung ilan ang sakay, at ilang beses pinagbabaril na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan.
Nabatid, agad tumakas ang mga suspek sakay ng nabanggit na sasakyan patungo sa direksiyon ng bayan ng Zaragoza, sa naturang lalawigan.
(MICKA BAUTISTA)