HANDA na ang Bulacan PNP sa taunang paggunita ng Undas na inaasahang daragsain ng malaking pulutong ng mga tao kahit nasa gitna ng pandemya ng CoVid-19 upang gunitain ang kanilang namayapang mga mahal sa buhay.
Ayon kay P/Col. Manuel Lukban, Jr., acting provincial director ng Bulacan PPO, mahigit 636 police officers at 706 force multipliers ang ide-deploy sa iba’t ibang Police Assistance Desks (PADs), Motorist Assistance Desks (MADs), at Traffic Assistance Desks (TADs) sa mga estratehikong lugar tulad ng sementeryo, mga terminal ng bus, at points of entry and exits sa North Luzon Expressway (NLEX) sa paggunita ng Undas.
Isasagawa ang red teaming operations at inspeksiyon sa mga police hubs na matatagpuan sa iba’t ibang sementeryo upang maiwasan ang mga hindi inaasahang pangyayari at matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocols at safety guidelines ay sa mga lugar na nagkakatipon ang mga tao, pati ng community quarantine rules at local ordinances.
Gayondin, dinagdagan ng Bulacan PNP ang police visibility upang matukoy ang mga kriminal na maaaring magsamantala sa okasyon at maging handa sa pagresponde sa lahat ng oras.
Pinaalalahanan ng Bulacan Police ang publiko na ang mandato ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa kanilang Resolution No. 72, ay isara ang lahat ng pampubliko at pribadong sementeryo gayondin ang memorial parks mula 29 Oktubre hanggang 2 Nobyembre bilang bahagi ng estriktong CoVid-19 control measures ng gobyerno. (MICKA BAUTISTA)