PATAY ang isang rider habang sugatan ang angkas niyang dalaga na kasamahan sa trabaho nang sumalpok sa hulihang bahagi ng nakaparadang van ang kanilang motorsiklo kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Patay agad ang biktimang kinilalang si Efren Admana, 36 anyos, gasoline pump attendant, at residente sa Talangka St., Dagat-dagatan, Brgy. 20 sanhi ng tama sa ulo at katawan.
Patuloy na ginagamot sa Caloocan City Medical Center (CCMC) ang angkas na kinilalang si Judy Ann Flores, 23 anyos, ng Mabini St., Sto Niño Road, Navotas City dahil sa mga sugat sa ulo at katawan.
Sa tinanggap na ulat ni Caloocan Police chief P/Col. Samuel Mina, Jr., dakong 2:45 am, sakay at binabagtas ng mga biktima ang kahabaan ng 10th Avenue mula Rizal Avenue Ext., patungong A. Mabini ng Honda beat na motorsiklo nang magpreno si Admana sa madulas na bahagi ng lansangan sa kanto ng Luis De Leon St., dahilan upang dumulas ang gulong at sumalpok sa hulihang bahagi ng nakaparadang Suzuki van, na minamaneho ni Julmark Lumapas, 29 anyos, ng M. Hizon St., Brgy. 64.
Sa lakas ng pagkakasalpok, nagkaroon ng matinding pinsala sa ulo at katawan si Admana na naging sanhi ng agaran niyang kamatayan habang isinugod ng kanyang mga kaanak sa pagamutan si Flores.
Nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury at damaged to property ang tsuper ng Suzuki van sa piskalya ng Caloocan City. (ROMMEL SALES)