BULABUGIN
ni Jerry Yap
HINDI natin alam kung paano nagkakaroon ng lakas ng loob at tibay ng sikmura ang mga sampid sa partidong PDP-Laban at sila pa ang nagkaroon ng lakas ng loob na patalsikin ang anak ng co-founder nito at kasalukuyang executive vice chairman.
At kung ang anak ng co-founder ay ‘pinatalsik,’ ganoon din ang naging kapalaran ni Senator Emmanuel “Manny” Pacman, bilang party president, para iluklok si Energy Secretary Alfonso Cusi bilang kapalit.
Pinatalsik sina Senator Koko at Senator Manny noong nakaraang Sabado, 17 Hulyo. Hindi raw kinikilala ng partido ang posisyon ni Pimentel dahil wala ito sa Konstitusyon ng partido.
Pero may ulat, na ang paksiyon ni Cusi ay pinili si Cabinet Secretary Karlo Nograles para palitan si Pimentel. Pinili si Nograles bilang executive vice president, hindi executive vice chairman.
Alam nating lahat na sa kasalukuyan ay nasa ibang bansa si Senator Pacquiao at naghahanda sa kanyang laban kay Errol Spence, Jr.
Isa si Senator Koko sa itinuturing na founding member ng partido na itinatag ng kanyang ama, ang yumaong dating Senate president Aquilino Pimentel III, noong 1982 upang labanan ang diktaduryang Marcos.
Isa lang ito sa basehan kung bakit ayaw kilalanin ni Sen. Koko ang aniya’y ‘illegal assembly’ na pinamumunuan ni Secretary Cusi bilang party president habang party chairman si President Rodrigo Duterte.
Para kay Sen, Koko, nananatili ang kanyang suporta sa kinikilala niyang party president na si Sen. Pacquiao.
Ilang impormasyon din ang nakalap ni Koko na ‘mass recruitment’ ang ginawa nina Cusi, para dumami ang kanilang miyembro, kahit hindi dumaraan sa tamang proseso alinsunod sa kanilang Konstitusyon.
Sa madaling salita, ‘hakot’ ang mga bagong miyembro ng kampo nina Cusi.
At bilang defense mechanism, matapos ratratin ng alipusta si Senator Manny, si Senator Koko naman ang pinagdiskitahan ng Pangulo. Kung hindi umano dahil sa kanya hindi lalaki at lalakas ang PDP-Laban.
Sabi ni Pangulong Duterte, “May I just remind Koko that this party, PDP, was asleep for a hundred years. It only woke up during the election when I ran for the presidency under the ticket.”
Watttafak!
Saan ka naman nakakita na kung sino ang ‘ORIG’ na nagtatag at nagpalakas sa partido ay inagawan ng puwesto?
Only in the Philippines!
Walang ipinag-iba sa isang ‘media organization’ na nakiusap lang sumama sa isang partido, kasi nakakailang takbo na hindi pa rin manalo-nalo, ngayon lahat inangkin na!
Bwahahaha! Nakalalasing ba talaga ang kapangyarihan?
At ang organisasyon, ginawang andamyo papuntang Palasyo.
Back to PDP-Laban, hindi na tayo nagtataka, kaya malamang, magkaroon na naman ng dalawang paksiyon ang PDP-Laban — “The ORIG” and ‘The Snatcher.’
Arayku!
Hindi na raw bago si Senator Koko sa internal struggle sa loob ng PDP-Laban. Noong 1988, sa panahon ng Corazon Aquino administration nahati rin ito sa dalawa.
Ang una ay pinamumunuan ng erpat na Pimentel at ni dating vice president Jejomar Binay, habang ang pangalawa ay pinamunuan ni noo’y presidential brother Jose “Peping” Cojuangco.
Pero noong 1989 ang ikalawang paksiyon (Cojuangco) ay nakipagkaisa sa Lakas ng Bayan upang buuin ang Laban ng Demokratikong Pilipino.
Noong 2014, umalis si Binay sa PDP-Laban at naglunsad ng isang partido — ang United Nationalist Alliance 0 UNA, ‘yan ay matapos ang hindi pagkakasundo kay Koko Pimentel nang ipasok si Migz Zubiri para sa 2013 senatorial slate.
Pero hanggang ngayon nga ay buo pa rin at matatag ang mga “ORIG” na PDP Laban.
Sa darating na Setyembre, pagkatapos ng labang Pacquiao vs Spence, ilulunsad ang ‘tunay’ na General Assembly ng PDP-Laban.
At para kay Senator Koko, ito ang lehitimong General Assembly, at hindi ang ginanap nina Cusi.
Ang masasabi natin, matapang na paninindigan ang ginawa ni Sen. Koko.
Abangan po nating lahat ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com