KUNG ano-anong parangal na nga ang ibinigay nila kay Congw. Vilma Santos, hindi lamang pagkilala sa kanya bilang isang mahusay na aktres kundi dahil din sa kanyang pagiging mahusay na public servant. Nagkakatawanan nga pero hindi biro, kundi totoo iyong sinasabing puno na ng mga tropeo at kung ano-ano pang pagkilala ang isang malaking kuwarto sa kanyang tahanan na maayos na inilalagay ang lahat ng mga karangalang natanggap na niya.
Ngayon sinasabing possible pang madagdagan iyon, kung mahihirang nga siyang National Artist.
“Alam mo kagaya ng sinabi ko na noon, iyang mga parangal na iyan mahalaga talaga. Pagkilala iyan sa kakayahan mo. Maraming paraan para masabing kinikilala ang kakayahan mo, sinasabi ko nga noong araw pa, basta kumikita ang mga pelikula ko, alam ko nagustuhan iyon ng mga tao. Para na akong nanalo ng award niyon.
“There was a time, hindi naman sa pagmamalaki, napakataas ng ratings niyong ating TV show kaya nga noon wala nang gustong tumapat sa atin, parang everytime na may show ka nananalo ka na ng award at ang nagbibigay sa iyo ng karangalan iyon ay ang publiko. May hihigit pa ba sa karangalang iyon? Tapos iyong mga award na mula naman sa mga kritiko, bonus mo na iyon. Sa kabutihang loob naman ng Diyos, naranasan na nating lahat iyan at wala na rin akong hinahabol, pero nararamdaman ko na mayroon pang mga kasunod iyan kasi hindi pa naman ako nagre-retire bilang artista, marami pa akong gagawin” sabi ni Ate Vi.
May nagsasabing baka sa susunod na taon ay tumakbo pa siya para sa mas mataas na posisyon paaano naman ang kanyang pagiging aktres?
“Alam mo hindi ko na alam kung saan nanggagaling iyan, pero kami mismo sa bahay ni hindi pa namin iniisip iyan, kasi may mas malaking problema na kailangang harapin. Iyang Covid, tapos bagsak ang ekonomiya, kailangan magtulong-tulong muna tayo at saka na iyang politika, matagal pa iyan.
“Hindi ko rin naman nakikita ang kahit na anong bagay na sagabal sa pagiging artista ko. Noong panahong mayor ako, kahit noong governor na ako, nakagawa naman ako ng pelikula. Noon nga lang mag-umpisa ako sa congress kailangan ko pang mag-adjust. Tapos inabot naman tayo ng pandemic. Iyon ang talagang nakapigil sa akin, pero huwag kayong mag-alala. Sinisiguro ko mapapanood pa rin ninyo ako sa pelikula,” sabi ni Ate Vi.
HATAWAN
ni Ed de Leon