INILINAW ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan na wala pang naitatalang hawaan sa komunidad sa lalawigan ng kahit anong CoVid-19 variant partikular ang UK at South African variants.
Ayon kay Provincial Health Officer II Dr. Hjordis Marushka Celis ng Bulacan Medical Center, nakapagtala o may natukoy na tatlong returning overseas Filipino workers (OFWs) sa Bulacan na positibo sa bagong variant ng CoVid-19, dalawa ay may UK variant at isang may South African variant nang sila ay dumating sa bansa mula sa Middle East noong Pebrero 2021.
Dalawa sa kanila ang walang sintomas o asymptomatic at ang isa ay may mild o bahagyang sintomas na ubo at sipon. Isinailalim sila sa quarantine period pagdating sa bansa sa pamamagitan ng OWWA Quarantine Operations.
“Nakatapos ng quarantine period ang returning OFWs nang lumabas ang resulta ng genome sequencing o ang proseso na isinasagawa upang malaman ang CoVid-19 variant,” ani Celis.
Dagdag niya, “Kahit recovered, mabilis pa rin naisagawa ang contact tracing at na-identify ang close contact at ang muling pag-quarantine sa mga returning OFWs gayondin ang pagsasagawa ng RT-PCR test sa mga close contact na negatibo ang lumabas na resulta ng karamihan sa kanila. Habang ang isang nagpositibo na close contact ay isasailalim din sa genome sequencing.”
Kaugnay nito, nakatakdang i-swab test ulit ang dalawang pasyente na nagkaroon ng UK variants sa 15 at 19 Marso bilang extra precaution.
Ani Gob. Daniel R. Fernando, “sinusubaybayan natin ang sitwasyon dito sa Bulacan at mahigpit na minamatyagan ang mga kaso lalo sa mga bayang malapit sa Metro Manila. Magpapatuloy din ang ating selective lockdown sa mga pook o sitio na magtatala ng mataas na kaso. Ito ay isinasagawa lamang natin alang-alang sa kaligtasan ng publiko.”
Dagdag niya, “sa araw na ito, ako ay mahigpit na nananawagan ng sama-samang panalangin sa ating makapangyarihang Diyos. Una sa lahat, habang ‘di pa completely natatapos ang pagbabakuna, paigtingin ang pagpapatupad ng minimum health standards, mag-ingat po tayo at huwag na huwag magpabaya. Huwag pong ipagwalang bahala ang minumum health standards (face mask, face shield, physical distancing). Sa patnubay ng Diyos, ang health protocols na ito ang nagligtas sa ating buhay at ang pagpapabaya dito ay mangangahulugan ng ating kapahamakan.”
Paalala ng BMC at Provincial Health Office Public Health na maging mapanuri sa mga lumalabas na impormasyon sa social media. Iwasang mag-share ng unverified information. Bukod dito, pagsunod sa minimum health standards pa rin ang pinakamabisang paraan upang makaiwas sa kahit anong variant ng CoVid-19.
(MICKA BAUTISTA)