GUSTO ba ng Philippine National Police (PNP) na lagi silang laman ng balita ng mga pahayagan, TV network, radio, o online live?!
Parang uhaw na uhaw sa publicity ang PNP, kaya kahit mga negatibong bagay ay kanilang iniuugnay sa kanilang imahen para mapag-usapan lang.
Gaya nitong isyung ‘pagbabawal’ umano ng public displays of affection (PDA), ang holding hands ng magkarelasyon, o paghalik ng mag-asawa o magnobyo sa isa’t isa…
Ang malagkit na tinginan, ipinagbabawal din kaya ng PNP?
‘Yan ay dahil umano sa muli na namang pagtaas ng bilang ng mga nahahawa ng CoVid-19.
Isinisi ni PNP spokesman Brigadier General Ildebrandi Usana ang muling pagtaas umano ng bilang ng mga nahawa ng CoVid-19 sa kaunting ‘pagluluwag’ na ginawa ng pamahalaan.
Dahil umano sa pagbubukas ng ekonomiya, sinamantala ng publiko ang paglabas-labas at pakikipagkita sa kanilang mga kaibigan, kamag-anak, at kapamilya.
“Kasi din po, ‘yan kasi alam naman po natin dahil nag-reopen for a while ang economy marami pong namamasyal, marami po mga tao na sadya talagang na-miss din nila ‘yung kanilang pagsasamahan,” ani Usana.
At dahil ba roon kaya tumaas ang bilang ng mga bagong kaso ng CoVid-19?!
Wattafak?!
Ang mag-asawa ay mula sa iisang bahay, magkasama sa isang kuwarto at natutulog sa isang higaan. Sabay silang kumakain, at puwedeng sabay rin silang naliligo. Sabay silang pumapasok sa trabaho.
At sa pag-uwi ay sabay rin.
Pagdating sa bahay, mayroon silang sinusunod na health protocol, kailangan deretso sa banyo para mag-shower o maglinis ng katawan. Ang mga hinubad na damit kailangan ibabad muna sa isang timba ng tubig para maipagpag ang mga bacteria o virus na dumikit sa katawan.
Bukod pa riyan, agad umiinom ng mainit na tubig na may apple cider at honey bilang proteksiyon sa kanilang immune system o kaya supplements na inireseta ng kanilang doktor.
Ganyan po kaingat ang bawat pamilya kaya nagtataka tayo kung bakit kahit holding hands ay ipinagbabawal na ng PNP sa mag-asawa.
E noong nakaraang taon, ganyan din ang ginawa nila sa mga backride ng motorsiklo. Kahit mag-asawa ang magkaangkas, ipinagbawal ng DILG. Sabi noon ni Interior Secretary Eduardo Año, wala raw pinipili ang virus.
Resulta, nahirapan ang mga mag-asa-asawang pumapasok sa trabaho. Pero naging kontrobersiyal ito hanggang payagan na rin.
Ngayon heto na naman — no PDAs.
Sabi nga ng simpatiko at romantikong si Senate President Pro Tempore Ralph Recto parang mas gusto raw ng PNP ng gera kaysa pag-ibig.
Kung gayon hindi nakapagtataka na maraming biktima ngayon ng patayan na ang itinuturong may kagagawan ang mga pulis na ang mga madalas iulat ay ‘nanlaban ang mga suspek.’
“If these are the new rules of romantic engagement during LDR – Love in Duterte’s Rule – then I believe that the President would not agree to it. If all acts of public display of affection are prohibited – harmless kisses, holding hands, hugs – then the rules border on the absurd.”
‘Yan ang klarong pahayag ni Senator Recto.
Sususugan lang po natin si Senator Recto at makikiusap sa mga kinauukulan: Please STOP THE KILLING, NOT THE KISSING!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap