NAGWAKAS ang pamamayagpag ng isang kilabot na tulak ng marijuana sa lungsod ng San Jose del Monte, lalawigan ng Bulacan nang masakote ng mga awtoridad nitong Sabado, 27 Pebrero.
Inilatag ng mga operatiba ng San Jose del Monte City Police Station (CPS) Intel/City Drug Enforcement Unit sa Brgy. Muzon, sa naturang lungsod, ang operasyon upang madakip ang suspek.
Sa ulat mula kay Bulacan police director P/Col. Lawrence Cajipe, kinilala ang suspek na si Robin Gabriel Llanes, 19 anyos, residente sa B13 Lot 8 Phase O, Francisco Homes, Brgy. Narra, sa nabanggit na lungsod.
Matapos masakote, nakompiska mula kay Llanes ang dalawang bloke ng tuyong dahon ng marijuana, ay Dangerous Drug Board (DDB) value na P240, 000, boodle money na P14,000 at isang Yamaha Mio 125 motorcycle na may conduction sticker no. 0301-0892096.
Napag-alaman, ang suspek ang isa sa malaking pinagkukuhaan ng marijuana ng mga drug users sa lungsod at mga karatig-lugar.
Kasalukuyan nang nakakulong sa SJDM City custodial facility ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Act of 2002.
(MICKA BAUTISTA)