SUNOD-SUNOD na pinagdadakip ang sampung katao sa mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na sugal ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang kahapon, 10 Pebrero.
Sa ulat mula kay Bulacan police director P/Col. Lawrence Cajipe, inilatag ang pagsalakay sa mga sugalan sa lalawigan ng mga tauhan ng Doña Remedios Trinidad Municipal Police Sations (MPS) at Marilao Municipal Police Station (MPS).
Naaktohan ang apat sa mga naaresto ng mga operatiba ng DRT MPS na nagsusugal ng ‘pusoy’ na kinilalang sina sina Orlando Laron; Jonel Escalante; Connie Villarama; Angel Asero, pawang residente sa Brgy. Pulong Sampalok, sa bayan ng Doña Remedios Trinidad.
Kasunod nito, nadakip ang anim na iba pang sugarol matapos maaktohan ng mga operatiba ng Marilao MPS na nagsusugal ng “cara y cruz.”
Kinilala ang mga suspek na sina Leopoldo Liwanag; Archie Amaga; John Paul Centeno; Brex Gonzales; Lemuel Gonzales; at Angelo Sesno Gualve, pawang mga residente sa Brgy. Lambakin, sa bayan ng Marilao.
Nakompiska mula sa mga naarestong suspek ang mga illegal gambling paraphernalia at bet money habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanila.
(MICKA BAUTISTA)