SA ginanap na virtual mediacon ng Metropolitan Manila Development Authority para sa 10 pelikulang pasok sa 2020 Metro Manila Film Festival, isa sa kasama ay ang pelikula ni Vhong Navarro, ang Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim. Kasama sa pelikulang ito sina Barbie Imperial, Benjie Paras, Ryan Bang, Ion Perez, Ritz Azul, Joross Gamboa at marami pang iba na idinirehe ni Topel Lee produced ng Cineko Productions.
Naikuwento ng direktor na bago nila simulan ang shooting ay puro tawanan at biruan muna ang nangyari kaya happy set lagi sila sa MK2.
Aniya, “Ang kulit ng mga artista, sobrang marami ang cast, but it was fun, and we were able to pull it off naman.”
Pinuri ni direk Topel si Vhong.
“Vhong is very talented, dami niyang ideas. Sometimes ang dami niyang ini-inject na nuisances na comical actions so, pinabayaan ko lang siya then eventually pasok naman sa character niya ‘yung mga ginagawa niya. Fortunately talagang magaling si Vhong,” kuwento ni direk Topel.
Unang pelikula nina Ion Perez, ang PBB Otso grand winner na si Yamyam Gucong, at Fumiya Sankai ang Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim kaya tinanong namin kung hindi nahirapan si direk Topel.
“Si Fumiya hindi pa siya magaling mag-Tagalog so sometime in-edit na lang namin ‘yung lines niya kasi hindi pa niya ma-pronounce totally tapos nagkaroon siya ng injury (lung surgery – December 2019) sa Japan. So we waited pa para makabalik siya para matapos ang mga eksena niya. Maganda naman ‘yung chemistry nilang (tatlo, Ion, YamYam, at Fimuya).
“’Pag siya (Ion) lang okay naman and for him to work kailangan kasama sina Vhong at Ryan na ginagawa siyang (laughing stock), pinagtatawanan siya,” kuwento pa ni direk Topel.
Ang pagkakaiba naman ng MK1 sa MK2, “Siguro po i-level up, mas marami ‘yung twist ng story, ang daming locations, set design level up din, pati mga CG (computer graphics) sa pelikula,” say nito.
Say pa ni direk Topel, “dati kasi horror comedy, ngayon mas marami ‘yung action effects, more on adventure.”
Kuwento naman ni Ritz, “Ako po ‘yung Reyna ng Encadia na kalaban ng may-ari ng Iitim na Bandana. Sabi nga ni direk sobrang riot ng shoot namin, eh, role ko seryoso. Gustung-gusto kong sumakay doon sa kalokohan nina Vhong at Ryan, kaso kailangan kong magseryoso kaya pigil na pigil (tawa) ako. Ia-assure ko sa inyo na sobrang nakatatawa ito kasi kaming mga nandoon sa eksena ay pigil na pigil (pagtawa) dahil napi-feel ko hindi sila umaarte, nagkukuwentuhan lang talaga sila.
“Sobrang in character sila at nailabas nila ‘yung comedy ng show.”
Sayang at wala si Joross na pinaka-kontrabida rito ni Mang Kepweng kaya hindi siya natanong kung paano niya pinahirapan si Vhong dahil balitang hirap sila sa mga eksena ng dalawa.
Abangan ang Mang Kepweng: Ang Lihim ng Bandanang Itim sa Disyembre 25 sa 2020 MMFF, produced ng Cineko Productions.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan