LUSOT na sa Kamara ang House Bill No. 7762 na magbibigay ng proteksiyon para sa lahat ng manggagawa sa entertainment industry.
Sa ginanap na botohan nitong Martes, Nobyembre 24 ay 235 ang kongresista ang bumoto para maisabatas ang House Bill No. 7762 o mas kilala bilang Eddie Garcia Bill. Walang kumontra o lumiban sa nasabing botohan.
Anyway, ipinangalan sa yumaong aktor at direktor na si Eddie Garcia ang bill para maalala ang nangyari sa kanya noong 2019 na binawian siya ng buhay matapos ma-comatose dahil sa aksidenteng sa taping ng teleserye niya sa GMA 7.
At dahil sa nangyaring ito kay Eddie, edad 90 ay dito lang nagkaroon ng lakas ng loo bang lahat ng nagtatrabaho sa industriya tulad ng pelikula, telebisyon, at radyo na mabigyang sila ng proteksiyon.
Isa sa mga author si House Deputy Speaker at 1-Pacman Party-list Representative Mikee Romero, ng proposal para sa karapatan ng mga manggagawa ng entertainment industry.
Si Rep. Romero ay stepson ni Eddie na anak ng partner niyang si Lilibeth Romero.
Si Senador Bong Revilla, Jr. naman ang may akda ng bersiyon ng Eddie Garcia Bill bilang Senate Bill No. 294.
Ang Eddie Garcia Bill ay isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte para pirmahan upang maging ganap itong batas.
At kapag naging batas na, maoobliga ang lahat ng employers sa industriya na bigyan ng kontrata ang mga manggagawa at contractors nila.
Ang mga sumunod ang nakalagay sa HB 7762 na policies para sa mga empleado ng industriya.
- Walong oras na normal working hours kada araw, na maaaring ma-extend sa 12 oras. Ang mga oras ng trabaho na lampas sa fixed eight hours ay babayaran bilang overtime.
- Ang minimum wage ng trabahador at independent contractors ay hindi dapat na bababa sa wage rate sa rehiyong pinagtatrabahuhan.
- Automatic covered ang empleado ng Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
- Obligasyon ng employer na ibigay ang basic necessities ng kawani, tulad ng pagkain kada anim na oras ng trabaho, sapat na inuming tubig, restrooms, pribadong dressing rooms, maaliwalas na holding areas, at libreng accommodation sa mga out-of-town tapings, shootings, at iba pang aktibidad.
- Pagkakaroon ng occupational safety and health officer na magsasagawa ng assessment sa lugar ng trabaho, partikular kapag outdoors ang produksiyon.
- Pagkakaroon ng service vehicles para sa anumang emergencies sa production sets.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan