THE House of Us, ito ang titulo ng latest vlog ni Mariel Rodriguez-Padilla na in-upload niya sa kanyang YouTube channel nitong Lunes ng madaling araw.
Kaya ito ang titulo ay dahil ikinuwento ng wifey ni Robin Padilla ang latest project ng asawa na pinagawan nito ng tig-iisang pintong apartment ang mga kasama nila sa bahay na kung tawagin nila ay ‘Angels.’
Naantig ang damdamin ng host ng programang Unlad: Kaagapay sa Hanapbuhay na napapanood sa Net 25 tuwing Linggo, 7:30 p.m. at may replay tuwing Sabado, 9:00 p.m. noong mamahagi sila ng ayuda para sa pamilya ng kanilang angels.
Nangyari ito noong kasagsagan ng lockdown dahil sa Covid19 pandemic.
“During the start of the pandemic, dito sa amin, we really followed very, very strict quarantine rules. Talagang no one comes in and out.
“Talagang we’re very strict with that because we have little kids. So, talagang maingat kami with everything.
“Another thing na kailangan namin gawin is to limit the exposure of the people na lumalabas at pumapasok sa bahay.
“So that means, walang nakalalabas at nakapapasok, that includes ‘yung mga kasama namin sa bahay.
“Siyempre, napakahirap niyon para sa kanila kasi kahit naiintindihan nila, kahit sa simula pa lang in-explain namin sa kanila kung ano ‘yung Covid-19, kung ano ‘yung nangyayari sa mundo, napapanood nila sa news, pero siyempre dahil tao sila, they long for their family.
“Nami-miss nila ‘yung pamilya nila. Siyempre, mag-aalala sila. Ang dami-daming nangyayari so mag-aalala sila sa mga pamilya nila,” kuwento ni Mariel sa kanyang vlog.
At para mawala ang agam-agam ng mga kasama nila sa bahay sa kani-kanilang mga pamilya ay naisip ngang pagawan sila ng bahay ng aktor.
Kuwento ni Mariel sa amin nang maka-chat, “inalis lang namin sila (bawa’t pamilya ng kanilang mga kasama sa bahay) sa pagiging informal settler’s para hindi sila nagwo-worry sa pamilya nila.”
Kung tama ang bilang namin ay pitong pintong apartment na may kanya-kanyang aircon pa ang ipinatayo sa Fairview, Quezon City sa tabi ng Museo Padilla na dating tirahan noon ni Mariel kasama ang mga anak ni Robin na sina Kylie, Zhen-Zhen, at Ali noong mga wala pa silang mga pamilya.
Sabi pa ni Mariel, “There’s a place wherein Robin takes care of a few Muslim families. And for the very first time, we opened the doors to Christians, to Catholics like myself, for our staff.
“It is because they’re also sacrificing so much for their families. It is because they showed us loyalty, nagpakita sila ng pagmamahal sa amin at gusto naming suklian ng pagmamahal din yung ipinapakita nilang pagmamahal at mabuting serbisyo sa amin.”
Ang nakatatawa pang parte sa kuwento ni Mrs. Padilla ay kapag naglalaro sila ng bingo sa bahay nila ang mga pa-premyo ay gamit sa bahay tulad ng refrigerator, oven toaster, oven at kung ano-ano pa kaya halos kompleto na sa gamit sa bahay ang mga pamilya ng kanilang angels.
Kaya naman tagos sa puso ang kabaitang nagawa ng mag-asawang Robin at Mariel sa kanilang angels na nag-iiyakan habang pinasasalamatan sila dahil hindi nila inaasahan ang napakagandang biyayang natanggap nila.
Ayon kay Yaya Jo na halos 4 years na sa poder nina Robin at Mariel, “Nagpapasalamat po ako dahil napapunta ako sa pamilya niyo. Kakaiba po ang naranasan namin dito, hindi namin mararanasan sa iba. Iba po ‘yung ipinakikita ninyo sa amin. Kakaiba po ang pakiramdam. Parang at home na at home po ako rito sa bahay ninyo.”
May 10 years namang naninilbihan si Analyn sa pamilya Padila at wala rin siyang masasabi sa kabaitan ng mag-asawa at mula noon hanggang ngayon never ipinaramdam sa kanyang ibang tao siya.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan