BINIGYAN ng basbas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbestigasyon kay Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro na pinauwi sa bansa bunsod ng ulat ng pambubugbog sa kanyang kasambahay.
Kinompirma ito ni Sen. Christopher “Bong” Go sa isang kalatas kahapon.
Sinabi ni Go na ang pagsisiyasat ay alinsunod sa mga probisyon ng Foreign Service Act of 1991.
Nauna nang inihayag ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na kailangan aprobahan muna ni Pangulong Duterte bago simulan ang imbestigasyon kay Mauro.
Inilabas sa Brazilian media ang CCTV footage ng mga insidente ng pagmamaltrato ni Mauro sa kanyang kasambahay sa kanyang official residence sa Brazil kaya’t agad siyang pinabalik sa bansa ni Locisn.
Tiniyak ng kalihim na ipapataw nang todo ang batas laban kay Mauro.
Umani ng batikos si Mauro lalo na’t kabilang sa kanyang tungkulin ay bigyan ng proteksiyon ang overseas Filipino worlers (OFWs) pero mismong protektor ang pangunahing nang-aabuso sa kapwa Pinoy na nasa ibang bansa.
ROSE NOVENARIO