NANG mamahagi ng ayuda si Willie Revillame sa mga kababayang jeepney driver na nawalan ng kita dahil sa Covid-19 pandemic ay nangako siyang magbibigay ng P5-M para sa kanila.
At nangyari nga ito sa opisina ng LTFRB na si Willie mismo ang pumunta noong Agosto 20 para personal na iabot sa mga kababayan nitong tsuper
Pero hindi pala sapat dahil nalaman ng staff ni Willie na marami pang ibang grupo ang hindi nakatanggap dahil hindi kompleto ang listahang ibinigay sa kanya base na rin sa hinaing ng mga ito.
Kaya nangako ang Wowowin host na muli siyang magbibigay sa mga hindi nakatanggap at nangyari na nga dahil muli siyang nagpaluwal ng P1-M at ipinagdiinan niya na hindi siya tumutulong para magyabang.
”Hindi ako tumutulong para magpasikat. Tumutulong ako dahil kailangan natin silang tulungan sa hirap ng buhay, lalong-lalo na ho ‘yung mga taong kapuspalad. ‘Yun ang pinakamaganda.
“Masarap matulog mamaya kapag may natutulungan. ‘Yun lang naman. Thank you Lord, ginagamit niyo itong programang ito para sa ating mga kababayan.
“Hangga’t may mga taong may ginintuang puso, huwag kayo mag-alala. Maraming tutulong sa ‘yo. Sa mga taong tumutulong, nakikita man o hindi nakikita, we salute you at salamat sa inyo ha,” saad ng TV host.
At sa darating na Disyembre ay plano ni Willie na tulungan ang mga OFW na hindi makakapagpadala sa kanilang mga pamilya rito sa Pilipinas dahil dinaranas na hirap ngayon sa ibang bansa dala ng pandemya.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan