HAYAN, may YouTube channel na rin si William ‘Yamyam” Gucong, grand winner ng Pinoy Big Brother Otso 2019 na tubong Barangay Anonang ng Inabanga, Bohol.
Napanalunan ni Yamyam ang isang Condominium unit sponsored ng Suntrust at ang cash prize ay ipinagpatayo niya ng bake shop na pinangalanan niyang Yamito’s Bakeshop na may dalawang branches na, isa sa bayan nila sa Inabanga at sa Ubay nitong Marso 2020 bago mag-lockdown dahil sa Covid-19 pandemic.
Kasalukuyang nasa Bohol ang binata at sa kanyang Yamyam’s vlog na may 35.8k subscribers ay ipinakita niya ang pag-harvest ng mais at mani mula sa kanilang farm na pinamagatan niyang Buhay Probinsiya.
Ang daming pumuri sa binata sa simple niyang pamumuhay sa probinsiya nila at ang bilis niyang mamitas ng mais na kailangan nasa linya lang dahil kung mawawala siya ay may kalaban daw.
Balot na balot ang katawan ni Yamyam habang namimitas dahil bukod sa mainit ay makati pa at posibleng masugatan din siya dahil sa matatalas na dahon nito.
Nakapuno na ng ilang sakong mais ang binata at dahil sa pagod ay napaupo muna at saka binalatan isa-isa ang mga mais.
Ipinakita naman ni Yamyam ang malawak na taniman ng mani na sabi niya, “kung sino ang bibisita sa akin dito sa probinsiya, pakakainin ko ng maraming mani.” Sabay bunot ng isang bugkos na dahon at sabay pakita sa pinaka-ugat ng mga mani na binalatan at sabay kain.
Sabi nga ni Yamyam, “’pag nasa probinsiya kayo, walang dahilan para magutom ka basta masipag ka, hindi ka magugutom.”
Itinuro ng PBB winner ang mga tanim nila sa bukid at naikuwento niya na ang papa niya ay hindi iniwan ang pagiging magbubukid.
“’Yung matatanda kasi kapag hindi nakatrabaho sa bukid, parang manghihina sila. Kaya ‘yung papa ko, patuloy pa rin siya sa pagbubukid, ito ang kinahihiligan niyang gawin,” pahayag ni Yamyam.
Pagkatapos mag-harvest ay ipinakita ni Yam ang mais na gagawing corn rice na dinudurog sa pamamagitan ng manual na gilingan na yari sa kahoy, yero, at saka sinasalo ng balde. Dalawang beses pala itong gigilingin.
“’Yan, ibabalik ulit para pumino. Hindi kayo naka-experience ng ganito ‘no, kasi mayaman kayo, char,” birong sabi nito.
At nang pumino na ang mais, “hayan, isasaing ko na para may pangkain na kami.”
Pinagsaluhan nina Yamyam at ilang kaibigan na ang ulam nila ay dahon ng malunggay na may isda at naka-kamay sila sa ilalim ng puno.
Nakatutuwang panoorin si Yamyam kasama ang pamilya niya sa panahon ng pandemya na tila hindi nakarating sa kanila ang Covid-19 dahil ang saya-saya nila walang iniisip na sakit.
Sana bumalik na sa ganitong buhay ang mga nakatira naman sa Metro Manila at sa mga lalawigang inabot ng Covid.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan