WALA talagang malasakit sa consumers at tanging pansariling interes lamang ang hangad ng mga opisyal ng Panay Electric Company (PECO) kaya nagawa pa nilang pagbantaan maging ang Kataas-taasang Hukuman.
Ipinamumukha umano ng PECO sa Korte Suprema na magiging ‘bad precedent’ sa pagnenegosyo sa bansa kung ang magiging desisyon ng kataas-taasang hukuman sa power dispute sa Iloilo City ay papabor sa bagong distribution utility na More Electric and Power Corp (More Power).
Pero, ayon kay Deputy Speaker at Surigao del Sur representative Johnny Pimentel, walang basehan ang alegasyon ni PECO lead counsel Atty. Estrella Elamparo na ang judicial ruling ng SC na papabor sa More Power ay magbibigay ng lehitimasyon sa hostile takeovers ng mga kompanya at prankisa mula sa mga interesadong kompanya nang hindi kinakailangang magpakita ng kakayahan, expertise, o industrial history.
Sinabi ng mambabatas, hindi inalis ang serbisyo ng PECO bilang power supplier sa Iloilo para paboran ang isang bagong kompanya kaya walang katotohanan na mayroong hostile takeover, bagkus inalis umano ang PECO dahil inayawan mismo ng mga consumer ang kanilang serbisyo.
Nakita ng Kamara ang mga reklamo laban sa PECO. Mga klarong reklamo kaya tinanggalan ng legislative franchise ang dating DU.
“I was always present during the hearings of the renewal of their franchise and I have thorough knowledge of their poor performance and several violations with the Energy Regulatory Commission (ERC),” dagdag ni Pimentel.
Basta para kay congressman Pimentel, hindi magiging masama sa pagnenegosyo kung aalisin ang mga kompanya na hindi naman maganda ang serbisyong ibinibigay.
“I think the people deserves a better utility company than PECO who can really serve the needs of the people,” ani Pimentel.
Mismong ang mambabatas ay umaasa na rerespetohin at kikilalanin ng SC ang naging desisyon ng Kongreso na ibigay ang legislative franchise sa kung sino ang karapat-dapat bilang hurisdiksyon nito.
At sakali umanong maging baliktad ang desisyon ng SC at pumabor sa PECO ay hindi rin masasabing tagumpay para sa kompanya dahil hindi rin sila makapag-o-operate.
“The House of Representatives already denied the franchise including their request for reconsideration so even if they win the case how can they operate if they do not have a franchise however the franchise of More Power was approved,” diin ni Pimentel.