TINANGGIHAN ni GM So ang imbitasyon ng Philippine chess na maglaro sa Battle of the Grandmasters online nitong Hunyo 28.
Hinala ng mga miron sa chess na sariwa pa rin ang sama ng loob ng world No. 8 player sa ilang opisyales ng chess sa Pilipinas kung kaya nagdesisyon itong lumipad ng USA noong 2014 para doon na maglaro at tuluyang magpalit ng pederasyon.
Blessing in disquise ang pagpunta ni So sa USA dahil gumanda ang tinahak niyang career, ilang world chess championships ang naibulsa niya kung kaya sumirit siya sa world ranking. May pagkakataon na inokopahan niya ang mataas na posisyon bago lumaglag sa No. 8. Isa sa torneyong hindi makakalimutan ni So ay nang magkampeon siya sa Tata Steel na tinalo niya ang mga de-kalidad at beteranong chess players.
Dahilan ni So ng hindi paglahok sa Battle of the Grandmasters online ay ”will be unable to play because of the Wi-Fi situation in his present situation,” ayon sa source na malapit sa 26-year-old World Fischer Random Chess champion.
Bagama’t tinanggihan ni So ang imbitasyon, pinasalamatan niya si NCFP president Rep. Prospero Pichay. Si So ay naghari nung nakaraang buwan sa online Clutch Chess Champions Showdown.
Kumalas si So sa paglalaro sa NCFP dahil sa pagkadismaya sa local sports politics.
Sinungkit ni So ang kampeonato ng Battle of The Grandmasters nuong 2011. Huli siyang lumahok ng torneyo sa Pilipinas ay nung 2013 Asian Zonal 3.3 championship sa Tagaytay na kung saan ay tumapos lang siya ng 2nd, pero ganoon pa man ay na-qualified pa rin sa World Cup.