HINIHINALA ng pulisya na may foul play sa pagpanaw ng suspek sa pagpatay ng isang 17-anyos dalagita na natagpuan noong isang taon na binalatan ang mukha sa lalawigan Cebu.
Natagpuang nakabigti sa loob ng banyo malapit sa kaniyang selda sa Lapu-Lapu City Jail ang suspek na kinilalang si Renato Llenes, 43 anyos, dakong 6:00 am noong Linggo, 24 Mayo.
Nakapiit si Llenes sa Lapu-lapu City Jail jabang nililitis ang kaso.
Ayon kay P/Col. Jessie Calumpang, Lapu-Lapu jail warden, pinagdugtong-dugtong na retaso mula sa uniporme ng preso ang ginamit sa pagbigti kay Llenes na naisugod pa sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay.
Dagdag ni Calumpang, hinihinala niyang may foul play sa pagkamatay ng nakapiit na suspek sa pagpaslang at panggagahasa kay Christine Silawan, na natagpuan ang hubad na katawan at talop ang mukha sa isang bakanteng lote sa Barangay Bangkal, lungsod ng Lapu-Lapu City noong 11 Marso 2019.
Paliwanag ni Calumpang, kalimitang nakalabas ang dila at tumulo ang laway ng tao kung nagbigti sa kanyang sarili, ngunit normal ang hitsura ng mukha ni Llenes nang matagpuan at hindi nakalabas ang dila.
Sasailalim sa awtopsiya ang bangkay ni Llenes na umano’y nakatatanggap ng pagbabanta sa kaniyang buhay sa loob ng piitan.
Ani Calumpang, inihiwalay nila si Llenes at apat lamang ang kasama niya sa selda dahil sa mga banta sa kaniyang buhay.
Nabatid na walang narinig na anomang komosyon ang mga kasama ni Llenes sa selda noong gabing siya ay namatay.
Matatandaang umamin si Llenes sa pamamaslang kay Silawan matapos siyang madakip.
Sinabi niyang sinaksak niya si Silawan gamit ang gunting nang malaman niyang may nobyo ang dalagita.
Inamin din niya na gumamit siya ng dummy Facebook account upang makipagkaibigan kay Silawan ngunit hindi siya nagustohan ng biktima dahil iba umano ang itsura niya sa personal.
Matapos gahasain si Silawan, binalatan ni Llenes ang mukha ng dalagita na natutunan niya umano sa YouTube tutorial.
Inamin din ng suspek na nasa impluwensiya siya ng bawal na gamot nang gawin niya ang krimen at nakonsensiya siya kaya napagdesisyonan niyang sumuko.