NAGHIHINAGPIS ang megastar Sharon Cuneta sa biglang pagpapasara ng ABS-CBN noong gabi ng May 5. Gayunman, desidido siyang ituloy ang fundraising concert n’yang Sharon: Love and Music, A Mother’s Day Special sa May 10, 8:00 p.m. dahil sadya namang pinlano ‘yon na ipalabas online sa social media at hindi bilang programang pantelebisyon.
Isa pang dahilan kaya desido siyang ituloy ‘yon ay ang pagiging bahagi nito ng Pantawid ng Pag-ibig ng ABS-CBN para sa frontliners at sa ibang mga tao na lubhang apektado ng Covid-19 at ng community quarantine.
Humarap sa mga netizen ang megastar mahigit sa isang oras lang pagkasara ng network sa eksaktong oras na 7:45 p.m.. Nakapagdaos si Sharon ng Instagram Live session dahil natapat na magri-rehearsal siya sa bahay n’ya mismo para sa concert.
Bale kinompirma n’ya kinabukasan (May 6) sa Instagram pa rin n’yang @reallysharoncuneta na tuloy ang concert noong i-post n’ya ang litrato ng ABS-CBN studio make-up artist n’ya na nakasuot ng personal protection equipment na siyang gagamitin nito habang nagme-make-up siya kay Sharon sa bahay nito. Pero dahil nga sa extended community quarantine, walang ‘di miyembro ng pamilya at household staff ni Sharon at ng mister n’yang si Sen. Kiko Pangilinan ang makaaakyat sa unit nila sa isang condominium sa Metro Manila.
Noong may magtanong na netizen kay Sharon kung sino na lang ang magme-make-up sa kanya, ang sagot n’ya ay sila na lang mismo. At para naman sa hairstyling n’ya, bahala na ang mga anak n’yang sina Kakie (na mas kilala bilang Frankie) at Yellie.
Halos ang buong pamilya ni Sharon ay mai-involve sa produksiyon–pati si Sen. Pangilinan, na ang pabirong tawag pala ng pamilya, ayon mismo kay Sharon, ay “Farmer Friend,” dahil ito ang nangangasiwa sa investments ng pamilya sa pagsasaka.
Malaki ang magiging papel ng cyber technology sa concert dahil naka-estasyon sa kani-kanilang bahay ang mga involved sa production, gaya ni Louie Ocampo bilang musical direktor.
Hindi tahasang sinabi ni Sharon, pero implied sa pagsasalita n’ya na siya ang magbabayad ng talent fees ng mga tao. Sa isang punto sa live Instagram session n’ya ay napabulalas siya na sana pwede siyang mag-concert araw-araw para may kita ang production crew man lang.
Mapapanood ang concert ni Sharon sa ABS-CBN Facebook, YouTube, at ABS-CBN entertainment website.
***
Pagtulo ng luha, ‘di napigilan
Tungkol naman sa hinagpis ng megastar sa biglang pagsasara ng ABS-CBN bilang TV station, heto ang ilan sa mga pahayag n’ya sa live Instagram session noong gabi ng May 5:
“Can you imagine our country without ABS-CBN? I cannot.
“My heart is breaking. Thirty years na ako sa ABS-CBN. It’s my home.”
Hindi napigilan ng Megastar na maiyak.
Ang mas pinangangambahan niya: “There are tens and thousands of employees who are gonna lose their jobs. And I cannot take that.”
May 11,000 empleado sa ABS-CBN ang maaapektuhan sa pagsasara ng network.
Ayon pa sa 54-year-old singer-actress-host, mali ang tiyempo ng pagpapatigil sa operasyon ng network giant, lalo pa’t may kinakaharap na health crisis ngayon ang bansa.
“There’s so much going on na, there is COVID thing, this virus… parang wrong timing.
“Kasi ang daming natutulungan ng Kapamilya.
“Tapos ‘yung staff namin mismo at crew, sila ‘yung mawawalan ng trabaho,” umiiyak na pahayag pa ni Sharon.
Nagawa pang magbiro ni Sharon sa gitna ng kanyang pagiging emosyonal.
“Ako, okay lang. Alam niyo naman, ng lahat, milyonarya na ako.
“Okay lang… pero sila, [ang] sakit.”
Nag-aalala siya sa mga staff and crew na mawawalan ng kabuhayan.
“Na-shock lang kami kasi biglaan.”
Diin ni Sharon, “Okay na kaming mga artista, ‘yung staff and crew lang ang inaalala namin, kasi hirap na nga ngayon dahil sa health crisis na ito.
“Bakit naman damay pa ‘yung trabaho, ‘di ba?”
KITANG-KITA KO!
ni Danny Vibas