KAHIT may lockdown dahil sa coronavirus (COVID-19), isang 25-anyos na babae ang walang takot na nagbebenta ng ilegal na droga na naaktohan ng pulisya sa buy bust operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon Police chief P/Col. Jessie Tamayao ang naarestong suspek na si Lourdes Caguia, alyas Enang ng Phase 1A, Hapaap St., Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS), Navotas City na nahaharap sa patong-patong na kaso.
Sa ulat ng pulisya, hindi kabilang ang suspek sa drug watch list na naaresto kasunod ng intelligence report tungkol sa kanyang illegal drug activities sa Brgy. Concepcion.
Ani Col. Tamayao, dakong 3:00 am nang masunggaban ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Johnny Baltan si Caguia sa ikinasang buy bust operation sa Arellano St., Brgy. Concepcion, matapos bentahan ng isang plastic sachet ng shabu ang isang police poseur-buyer kapalit ng P300 marked money.
Nakompiska ng pulisya sa suspek ang pitong plastic sachets na naglalaman ng 8.85 gramo ng shabu na tinatayang P58,344 ang halaga. (ROMMEL SALES)