NAITALA ang kauna-unahang kaso ng COVID-19 positive sa Navotas City, kahapon.
Sa post ni Mayor Toby Tiangco sa kanyang Facebook account, ang PUI na namatay ay nagpositibo sa COVID-19 at inaasahan na mas darami pa ang bilang dahil ang namatay ay galing sa mataong lugar.
Ang nasabing lugar naman ay laging nahuhulihan ng mga lumalabag sa enhanced community quarantine (ECQ).
“Inaalam po ng ating City Health Office kung sino-sino ang nakasalamuha nang malapitan ng pasyente noong mga panahon bago siya dinala sa ospital.
“Kung isa po kayo sa kanila, kayo po ay tatawagan ng ating City Health Office,” pahayag ni Tiangco.
“Ang Italy po ay nagtala ng 919 namatay sa COVID-19 sa isang araw.
“‘Wag na nating hintayin na ganito ang mangyari sa atin.
“Ako na po ang nagsasabi sa inyo, kulang po ang pasilidad at hindi sapat ang doktor at iba pang frontliners kapag ito ay kumalat,” pag-amin ng alkalde.
Muli, pakiusap ng alkalde, “Manatili po tayo sa bahay, isipin natin, lahat ng makasasalubong sa daan ay COVID-19 positive at madaling kumapit sa atin ang virus. Naiuuwi natin ito sa ating mga pamilya.”
Sa huling ulat, ang lungsod ay may 125 PUM at 21 PUI. (ROMMEL SALES)