Sunday , December 22 2024

Pandaigdigang Araw ng Tula

KUMUSTA?

Katatapos lamang ng Pandaigdigang Araw ng Tula noong Marso 21.

At hindi ito kayang hadlangan ng Corona Virus Disease (COVID).

Katunayan, inuyam pa natin ito para gawin ang COVID na Corona Virus DionaTweet sa tulong ng Rappler.

Magpapatuloy ito hanggang Marso 31 kaya may panahon at pagkakataon pa kayong mag-tweet ng diona — ang katutubong uri ng tula na may tatlong taludtod at ang bawat linyang magkakatugma ay may walong pantig — sa @rapplerdotcom @tayabasining gamit ang hashtag na #DionaTweet.

Hindi rin nagpaawat ang iba pang makata noong araw na iyon.

Ginamit nila ang ibang anyo ng social media upang ipahayag ang kanilang matalinghagang sarili.

Laking gulat ng lahat nang di-kaginsa-ginsa’y nagpakitang-gilas ang Pambansang Alagad ng Sining na si Virgilio Almario at nag-post ng Tatlo Sa Harap ng COVID-19 sa facebook.

Pagkatapos nito, ala-Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute siyang may tulang inilalathala araw-araw.

Nangako naman ang “Hari ng  Spoken Word” na si Juan Miguel Severo (at si Juan Miguel Zubiri ay nagpapagaling) ay  nangakong: “Dahil wala akong gig nang dahil sa COVID-19, bakit nga naman di na lang ako rito magbahagi ng tula?

Unang araw, Marso 15 ito,  binasa niya ang Ikatlong Sindi ng Sigarilyo ni Teo Antonio.

Ikalawang araw, hindi yata siya nakapagpigil sa pagdagsa ng masasamang balita, kaya: “Hello, si Juan Miguel Severo ito, at nais ko sanang mag-alay ng isang bagong tula.”

Pumikit siya at…

      “Putang ina, ang daming tanga!”

Nanlisik ang mata na parang sinapian ng kung ano.

At pagkangiti, sabay: “Tenk yu!”

Sa ngayon, humigit-kumulang, ang videong iyon ay tinawanan ng 17K, pinusuan ng 1.7K, inaprubahan ng 596, iniyakan ng 22, at ikinagalit ng 11.

Ikalawang araw din iyon ng kaniyang pagbabasa at iyon ay para sa tulang Kundiman ni Benilda Santos.

Noong Marso 17, inilaan niya ito sa tulang Gift, 2 ni J. Neil Garcia.

Inabangan natin ang ikaapat.

Lalo na noong Marso 21.

Pero wala siyang post noon kundi ang mga photo na may caption:

 

PRES. DUTERTE: “Ikot-ikot muna kayo sa bahay n’yo baka may di pa kayo napuntahan?”

ME:

 

Puwede iyong pamagatan na Tula ng Tulala pero hindi pala ito kaniya kundi kay Johnloyd Salazar.

May video siyang ipinost kaso lumang pelikula pala ito ni Bayani Agbayani na nakisabay sa isang babaeng may kotse mula sa probinsiya paluwas ng Maynila — nang hindi naman sumakay kundi literal na sumabay lamang talaga!

Tinituluhan niya ito ng: “Social distancing.”

Sa kabilang banda, wala ring paramdam man lamang ang “Reyna ng Spoken” na si Kooky Tuason kahit sa facebook.

Sinagot ang pagtatanong namin noong Marso 21 ng “While Away The Hours With A Free H.P. Lovecraft Call Of Cthulhu Coloring Book mula sa openculture.com.

Pagkaran ng dalawang araw, nag-anyaya na siya sa tulaan sa kaniyang programang panradyo: “Hi guys, Marty and I are doing a remote broadcast! Tune in Tuesday to Bigkas Pilipinas on Jam 88.3, 12 midnight till 2am. We’ll be listening with you.”

Para ngayong gabi ang imbitasyong iyon.

Bakit nga natin sila sinusundan?

Sinusundan din kasi sila ng mga Gen X, Y, at Z pagdating sa pananalinghagang pasalita.

At, kung natuloy ang selebrasyon ng Pandaigdigang Araw ng Tula, sila sanang dalawa ang panauhing makata.

Disin sana sa Kamuning Bakery ito at ituturing na QuaranTinapay.

Noong 2019, sila rin ang tampok na tumula sa nasabing makasaysayang araw na iyon.

Ngayong 2020, wala tayong màgawa.

Wala tayong magàwa.

Kaya…

Nagpatulong tayo sa iba.

Nanawagan ang inyong abang lingkod sa lahat.

Upang kantahin ang Bayan Ko ni Huseng Batute at ni Constancio de Guzman.

Bakit Bayan Ko?

Una, ito ang isa sa pinakatanyag na tula.

Ikalawa, ito ang isa sa pinakabantog na “kundiman ng lahi.”

Ikatlo, ito ang kailangan nating lunas ngayong ang Filipinas ay “binihag” at “nasadlak sa dusa.”

Hindi nangalahati ang araw at hindi tayo nabigo.

Nagpadala mismo ang direktor, aktor, at mandudulang si Dennis Marasigan na nagdirihe ng aming palabas na Ang Pagbabaliktanaw sa Unang Hari ng Balastasan.

Ito ay tungkol kay Huseng Batute na nakatakdang dalhin sa Baguio.

Subalit hindi  ito natuloy nang kanselahin si Mayor Benjie Magalong ang Grand Street Parade, ang Grand Float Parade, at, kinalauna’y ang Panagbenga mismo.

Sa pagtatanghal na ito, ang finale ay ang pag-awit naming lahat ng Bayan Ko.

Doon at noon namin napapatunayan ang ikaapat na dahilan kung bakit ito dapat.

Walang kamatayan ang kantang ito.

Kung baga, puwedeng-puwedeng ipantapat sa COVID-19.

Hindi biro ang virus na ito.

Kaya, ang pangontra ng ventriloquist at makatang si Ony Carcamo ay walang iba kundi ang papet niyang si Kulas.

Bagamat bagong gising pa lamang,  ang classical singer na si Nazer Salcedo ng Philippine Opera Company ay nagpaunlak at pinalakpakan agad ang sino mang nakapanood nito.

Wala nang sumunod mula sa cast naming pinamahalaan ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na unang nasaksihan noon pang 22 Mayo 2018, bilang paggunita sa ika-86 anibersaryo ng pagyao ni Huseng Batute.

Walang ano-ano’y  isa-isang dumating na ang mga video ng mga taga-Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL).

Nauna si Louie Jon Sanchez na tatlong ulit naging Makata ng Taon.

At ng Tagapangulo nito na si Mike Coroza — na ginitarahan pa ng anak niyang si Haraya — na kasalukuyan pa namang nagluluksa sa pagpanaw ng kaniyang bayaning bayaw na binawian ng buhay habang rumeresponde bilang Rescue and Disaster Personnel.

Umambag din ang Bulakenyong si Joseph Cristobal ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) sa tulong nina Ato del Rosario, Carole Diamande, at Glenn de Jesus na mga batikang guro sa pinamumunuan niyang Philippine Cultural Education Program (PCEP).

Simple o pasimple lamang ang presidente ng Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) na si Aldrin Pentero na nakuha ring pakantahin  ang makatang si Edgar Samar na nagtuturo sa Japan ngayon at ang direktor na si Gian Abrahan na isang estudyante’t propesor sa UP.

Maya-maya, nagpadala na — matapos yatang mag-google tungkol kay Freddie Aguilar — itong kampeon ng karapatang-ari na si Beverly Siy ng CCP Intertextual Division.

Dalawang taga-Komisyon sa Wikang Filipino (KWF)  ang bumanat: ang ala-Bob Dylan na si R.R. Cagalingan at  ang ala-Bobby Gonzales na si John Torralba.

Isa sa pinakabata ay ang nagwagi sa huling Carlos Palanca Awards na si Pete Pregonir na taga-Koronadal, South Cotabato.

Kinaumagahan, maraming nag-report na nasa facebook na raw ang video at nasa page ng sanaysayistang si Willi Pascual na unang nag-edit nito.

Salamat sa Diyos.

Salamat sa Kaniya at nakilala namin siya.

Salamat at nagawan naman ng paraan na isama ang iba.

Nahuli ang bagong doktor na si Joel Malabanan dahil nagpatulog daw siya ng anak.

Magdamag namang nag-ensayo pa nang husto ang dating nagturo’t nag-aral sa Philippine High School for the Arts (PHSA) at ang kaniyang banang tenor na si Arthur Espiritu na naghakot ng George London Award (2009), La Scala Award (2007), at iba pang gantimpala mula sa iba’t ibang bansa!

Sa wakas, humabol at umabot ang grupong Makatang Asiano — o ang mga makata ng Asian Hospital and Medical Center — na si Mignodel Morales na Vice Mayor ng Alliance of Young Nurse Leaders and Advocates at si L.J. Ramos na nahila  si Conrad Ferolino na isang clinical assistant at si John Patrick Flores na isang cardiovascular nurse.

Nahatak din ang iba pang frontliners habang abalang-abala sa pagdamay tulad nina Private Ella Mae San Buenaventura at Private Wenjulyn Umala ng 51st Engineering Brigade ng Philippine Army.

Nahirati pati na sumali si Domingo Igarta na isang Scoutmaster at volunteer sa Manila Council ng Boy Scouts of the Philippines (BSP).

Hindi lamang ang mga tao ang napaluha kundi ako rin nang marinig ko silang umawit.

Ang nasabing tula ay may bersiyon sa Espanyol na Nuestra Patria.

      Diumano ito ay isinulat ng rebolusyonaryong heneral na si José Alejandrino at, pagkaraan ng tatlong dekada, ay isinalin nga ni Huseng Batute.

Orihinal itong bahagi ng sarsuwelang Walang Sugat ni Severino Reyes na naging oposisyon sa okupasyon ng mga Amerikano noon.

O pananakop ng mga Hapon pagkaraan.

Saksi rito ang Dekada,  ’60, ’70, ’80, at ’90.

Kung baga, ito ang humalili sa Jocelynang Baliwag na siyang dayap sa sugat, wika nga, ng mga mandirigma.

Kaya, ito ang aming pamamaraan ng pagsasabi sa Bagong Milenyum ng gintong aral: “Isapuso’t isaisip ninyo ang Bayan Ko.”

Ito ang itinuturing na “ikalawang Pambansang Awit.”

Lalo na para sa mga Bagong Bayani.

Kahapon, ngayon, at bukas.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *