NAHAHARAP sa kasong paglabag sa Article 336 ng Revised Penal Code o Acts of Lasciviousness ang isang 54-anyos polygraph examiner makaraang isuplong sa Manila Police District (MPD) ng isang 20-anyos aplikante na umano’y pinaghahalikan at niyapos nang isalang ang biktima sa lie detector test sa Ermita, Maynila, noong Martes.
Kinilala ang suspek na si Marcus Antonious, may asawa, residente sa Lorraine St., Park Way Village, Barangay Apolonio Samson, Quezon City.
Sa ulat, 1:15 pm nitong 21 Enero nang mangyari ang pang-aabusong seksuwal sa biktimang kinilalang si alyas Hanna ng Valenzuela City, sa loob ng polygraph room ng Simon Agriventures Corporation sa Romualdez St., Ermita.
Kabilang umano ang biktima sa mga aplikante sa nasabing kompanya at kasama sa requirements ang pagdaan sa lie detector test kaya silang dalawa lang ng suspek sa isang silid para sa nasabing eksaminasyon.
Habang pinaliliwanagan ang biktima sa resulta ng polygraph test, ibinigay umano ng suspek ang kanyang mobile phone number at hiningi rin ang number ng dalaga.
Pinipilit umano ng suspek na maging magkarelasyon sila at nang hindi nakatiis sa panggigigil, agad hinalikan sa pisngi at niyapos ang biktima.
Nagpumiglas ang biktima hanggang makawala at humingi ng tulong sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng MPD.
Bandang 4:15 pm nang araw ding iyon, inaresto ang suspek sa nasabing tanggapan sa pakikipag-ugnayan sa HR Recruitment Officer na si Diana Mondero.
Isa umanong freelance polygraph examiner ang suspek na kinuha ng kompanya ang serbisyo para sa mga aplikante.