TINANINGAN ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng tatlong linggo o sa loob ng buong buwan ng Enero ang lahat ng business owners sa dalawang kilalang mall sa Divisoria na irehistro ang kanilang mga manggagawa upang magkaroon ng maayos na benepisyo.
Sa naganap na dialogo, sinabi ni Mayor Isko sa mga stall/business owners sa loob ng 168 at 999 malls, kailangang irehistro ang kanilang mga manggagawa sa SSS, Pag-Ibig at Philhealth.
Inatasan din ng alkalde ang mga negosyante na karamihan ay mga dayuhan, bigyan ang kanilang mga empleyado ng tamang pasuweldo, at itrato nang patas dahil nasa batas aniya ang pagbibigay ng karapatan na makuha o magkaroon ng benepisyo na kanila namang mapapakinabangan sa oras ng kanilang pangangailangan.
Sinabi ng alkalde, pagkatapos ng dialogo kahapon ng umaga, ipatutupad na ang mga panuntunan.
Tiniyak ng alkalde sa business owners na ang kapalit ng kanyang pakiusap ay pagtugon sa mga mang-aabuso sa kanila.
Kamakailan, nagbanta ang alkalde sa 168 mall kaugnay sa natuklasan nitong hindi tamang pasahod at nagbantang ipasasara kapag hindi sila sumunod at hindi ibinigay ang karampatang benepisyo ng kanilang mga manggagawa.