HINDI lang pang-showbiz, pang-sports pa si Lotlot de Leon.
Si Lotlot at mister niyang si Fadi El Soury na ngayon ang team owners ng basketball team na Quezon City Defenders, official team ng Quezon City sa National Basketball League (NBL).
Ang iba pang team owners ng Quezon City Defenders ay binubuo ng Six Corners Creatives, Inc. na sina Dwight de Leon, Noel Garovillo, Anna Bathan, at Atty. Zona Tamayo.
Isa sa mga miyembro ng team ang anak ni Lotlot na si Diego Gutierrez.
“Nakikita ko kasi ang hirap niya.
“So, kung makatutulong ako na mas mapagaan ang proseso for him to reach his dream and also for the boys, why not?
“I think, it’s really meant to be. Kasi when we were asked, everything went smoothly. Parang walang naging sagabal.
“Everybody agreed to help and to be there for the team. Parang tuloy-tuloy siya,” ani Lotlot.
Pangarap ni Diego na makapasok sa PBA (Philippine Basketball Association).
“Siyempre, all of them naman. They’re hoping that they can get to that, so ito ‘yung simula,” saad pa ni Lotlot.
Bukod kay Diego (#8), ang iba pang Quezon City Defenders players ay sina Bryan Cabrera (#1), Enzo Battad (#2), Normel Delos Reyes (#0), Nikko Lazo (#12), Joshua Roque (#27), Joshua Bringas (#9), MJ Enriquez (#28), Christian Diaz (#3), Nikko Lao (#16), Mark Puspus (#17), Bryan Nabayra (#88), Dave Torregoza (#6), JR Barde (#34), Peter Cecilio (#21), Jeff Comia (#29), Adzhar Udjan (#77), Jake Bagon (#10), Patrick Boffa (#23), at Edric Estacio (#19).
Ang bayaw ni Lotlot na si Mickey Estrada ang head coach. Si Mickey ang mister ni Matet de Leon. Assistant coach naman sina Don Zamora, James Garcia, at Jeff Martin.
Hindi naman tatalikuran ni Lotlot ang pag-aartista at mas haharapin ang sports.
“Nag-e-enjoy naman ako, eh. And I believe, may purpose naman itong lahat.
“I don’t think na ibibigay sa akin ito ng Panginoon for nothing.
“So there’s a reason behind it na siya lang ang nakaaalam.”
Ginanap ang press launch ng Quezon City Defenders team sa Cafe Ol è, Diliman, Quezon City.
Sobrang thankful si Diego sa mommy niya sa suporta nito sa pangarap niya.
“Siyempre, nakikita ko ang sakripisyo niya. At saka, para wala tayong what ifs sa buhay.
“Kung kaya naman nating tumulong, bakit hindi,” sinabi pa ni Lotlot.
Pati ang mga kapatid na babae ni Diego na sina Maxine, Jessica, at Janine Gutierrez ay all-out ang suporta kay Diego.
“Kahit naman noong previous season, we would always be present. Basta libre kami, kompleto kami na nandoon.
“Ako, si Mon, si Fadi, ang mga kapatid niyang babae. Mga boyfriends nila, girlfriend niya.
“So, talagang we’re all full support.”
Si Mon ay ang ama ni Diego at ex-husband ng aktres na si Ramon Christopher.
Mas gusto ba ni Lotlot na nasa sports ang anak kaysa showbiz?
“Actually, it’s his choice. Kung nasaan ang puso niya.
“Kasi, never naman akong nagpilit sa mga anak ko kung ano ang dapat nilang gawin.”
Sa kasalukuyan, may 14 teams ang NBL, na ang bagong season ay magsisimula sa November 16 sa Filoil Flying V Arena. Mapapanood ang games nito sa Solar Sports at Basketball TV.
Rated R
ni Rommel Gonzales