KRITIKAL ang kalagayan ng tatlong mag-uutol habang sugatan din ang dalawa pa nilang pinsan makaraang pagsasaksakin ng tatlong helper ng isang mini-carnival o perya matapos ang kanilang mainitang komprontasyon sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Pawang ginagamot sa Tondo Medical Center (TMC) sina Rogelio Capoquian, 25 anyos, at mga kapatid na sina Jayson, 27 anyos, at Jermie Niño, 23 anyos sanhi ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang nasa mabuting kalagayan sa nasabing pagamutan ang mga pinsan nitong sina Nilo de Andres at Jess Sevilla, kapwa 21-anyos, pawang mga residente sa #215 Sitio 6 Brgy. Catmon ng nasabing lungsod.
Sa pinagsamang ulat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Richard Andrew Calaycay kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, dakong 8:30 pm, nang maganap ang insidente sa loob ng parking lot ng Robinson’s Mall, Brgy. Tinajeros.
Nabatid na naglalaro si Rogelio ng game of coins sa mini-carnival nang pagsabihan ni John Errol Abuyen, 19-anyos, helper ng perya, na huwag ilagay ang kanyang kamay sa board game.
Nauwi ang dalawa sa mainitang komprontasyon at nang mapansin ni Rogelio na tila pagtutulungan siya ni Abuyen at dalawang kasamang helper na si Renato Corpuz, 23, at Marlon Lucañas, 21, humingi ng tulong sa kanyang mga kapatid at dalawang pinsan na agad nagpunta sa naturang lugar at kinompronta ang mga suspek.
Sa kainitan ng komprontasyon, naglabas ng kanilang patalim ang mga suspek at inundayan ng mga saksak sa katawan ang mga biktima.
Ayon kay Col. Tamayao, naaresto ang mga suspek ng nagrespondeng mga tauhan ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 4.
Napag-alaman na ang mini-carnaval ay naiulat na nakaaakit ng mga mag-aaral, out-of-school-youth at mga kabataan sa ilegal na larong barya at colors game at nagdudulot ng ingay sa magdamag.
Sinabi ng mga residente sa lugar, hihilingin nila sa hepe ng pulisya na irekomenda sa city government ang pagpapasara ng mini-carnival.
(ROMMEL SALES)