KUNG tutuusin, sa Mayo pa ang anibersaryo ng pagkatalo sa eleksiyon ni Mocha Uson.
Si Mocha, ang entertainment personality na ipinasok sa administrasyong Duterte bago naisipang tumakbong party-list representative noong eleksiyon nitong nakaraang buwan ng Mayo.
Pero minalas si Mocha, hindi niya nai-convert sa solidong boto ang kanyang 5,000,000 social media supporters. Kaya hayun, lumagapak siya noong nakaraang eleksiyon.
Ngayon, pitong buwan bago ang anibersaryo ng kanyang pagkatalo (take note, pitong buwan pa lang, wala pang isang taon), itinalaga siyang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa inilabas na listahan ng presidential appointees nitong nakaraang Lunes, 26 Setyembre, ang tinaguriang pro-administration blogger ay itinalaga noong 23 Setyembre 2019, bilang Deputy Executive Director V (Deputy Administrator) ng OWWA, attached agency ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Noong May 2019 midterm elections, tumakbo si Mocha bilang representative ng AA Kasosyo party-list pero olat nga.
Hindi pa rin nalilimutan ng sambayanan ang kanyang ‘pepedederalismo’ video jingle kasama ang blogger-friend na isang Drew Olivar, at isa pang video na pinaglalaruan ang sign language.
Inakala ng mga kritiko ni Mocha na tumahimik na ang kanyang ‘karera,’ pero ngayong naitalaga siya sa OWWA, sa hindi pa tamang panahon, lumilikha na naman ito ng ‘bagong ingay.’
Gusto tuloy nating itanong, mayroon bang tumatrabaho kay Mocha sa loob mismo ng kampo ni Pangulong Digong para lagi siyang mapag-initan ng kanyang mga kritiko?
Pakisagot na nga po!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap