PANINI sa posh coffee shops ang isang tila paranoid na vice mayor sa south Metro Manila.
Natatawa tuloy ang mga beteranong politiko sa kanilang lugar kasi siya na nga naman ang nakaupo, ‘e grabe pang naiinsekyur sa dating vice mayor.
Kung tutuusin napakasuwerte ng vice mayor na tawagin na lang nating VM Praning dahil nang mag-last term ang dating VM ay tumakbong konsehal at hindi tumakbong alkalde.
Pero kahit noong mayor pa raw ang tatay ni VM Praning at nakaupo pa si ex-vice mayor, nagpaparamdam na siya ng pagkainis sa huli.
Kaya marami ang nagtatanong… ano ba ang ikinaiinggit ni VM Praning kay ex-vice mayor gayong political dynasty na nga ang kanilang pamilya sa kanilang teritoryong lungsod?
Maugong daw kasi ang mga bali-balitang muling tatakbo ang ex-vice mayor.
At ‘yun ang ikinaiinsekyur ni VM Praning.
Kasi kahit nanalo siya nitong nakaraang eleksiyon, mahina ang kanyang showing.
Kaya kapag nagdesisyon si ex-vice mayor na muling tumakbo sa susunod na eleksiyon ‘e agad nenerbiyos si VM Praning kasi nga naman baka kumain siya ng alikabok sa susunod na local elections.
Sa totoo lang, wala naman daw sariling boto si VM Praning.
Nakakuha siya ng boto dahil sa kanyang mga magulang na subok at kilala sa kanilang serbisyo sa kanilang bayan na ngayon ay isa nang lungsod.
Sa madaling sabi, inakala ng constituents na si VM Praning ay napalaki at nagabayan ng kanyang mga magulang na kagaya nila.
Pero tatlong buwan pa lang umano sa kanyang posisyon si VM Praning ay ‘nabuyangyang’ na sa constituents ang kanyang tunay na asal.
Heto pa, alam ba ninyong noong nakalipas na May elections, higit na mas mataas ang bilang ng boto ng pinsan niyang nanalo bilang kongresista ng lungsod?
At nang ikompara ang boto ng magpinsan, aba napag-usapan na kung sakaling magtatapat bilang mayor sa susunod na eleksiyon ang dalawa, ‘e tiyak na aarangkada ang pinsang kongresista.
Isa siguro ‘yan sa mga dahilan kung bakit tila insekyur na sa lahat ng tao si VM Praning?!
Paalala lang natin kay VM Praning, huwag masyadong maging insekyur kasi baka mapagkamalan ka. Gaya nga ng sabi sa kanta ng Asin, “sa tanghaling tapat, nakakita ng buwan” dahil sa kapraningan.
‘Yun lang
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap